Monday, October 31, 2016

Always Be My Maybe

Petsa nang Pagpapalabas: Pebrero 24, 2016

Haba nang Pelikula: 1oras 43minuto

Direktor: Dan Villegas

Kategorya: Romantiko, Komedya

Panulat ni: Dan Villegas, Pertee Brinas

Prodyusers: Charo Santos-Concio, Malou Santos

Bida nang Pelikula: Gerald Anderson bilang si Jake Del Mundo, Arci Munoz bilang si Tintin Paraiso

Taga-pamahagi: ABS-CBN Film Productions

Bansa: Pilipinas

Lingguwahe: Filipino, Ingles

Buod:

Si Jake del Mundo ay isang businessman sa pampamilyang negosyo. Matapos ang ilang taon ng pagiging binata naisip niya na gusto na niyang magpakasal sa kaniyang matagal ng nobya na si Tracy. Ngunit hindi ito tinanaggap ni Tracy at pinagpalit siya sa ibang lalaki. Si Tintin Paraiso naman ay isang make-up artista na naniniwala sa pagkakaroon ng perpektong nobyo at inaasahan niya na ang kaniyang nobyo ay aalukin na siya ng kasal. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ang lalaki ay hindi sumipot sa restaurant at nakita na lang niya sa facebook na may inaya na itong iba. Matapos malaman ito ibinahagi niya ito sa social media kung saan naging viral ang kaniyang video.

Matapos ang ilang buwan ang dalawa ay nagkita sa isang beach resort na pag-aari ni Jake. Si Tintin ay naroon para sa isang trabaho na pagmamake-upan niya. Naging magkaibigan sila at patuloy na nagkikita upang magkuwentuhan. Nalaman nila na pareho silang ng kapalaran sa pag-ibig kung kaya napagkasunduan nila na tulungan ang isa’t isa para makakita ng bagong mamahalin. Ngunit hindi nila inaasahan ang susunod na pangyayari na magpapa-inlove sa mga manonood ng pelikulang ito.

Pagsusuri:

Sikat si Direktor Dan Villegas sa kaniyang mga romantikong pelikulang gaya ng English Only Please, The Breakup Playlist, at Walang Forever. At ngayon nga kaniyang inihahandog sa lahat ang Always Be My Maybe na pinangungunnahan nina Gerald Anderson at Arci Munoz. Sa palabas na ito hindi lang natin mararamdaman ang tamis ng pag-ibig kundi pati ang mga aral na ating natututunan sa pakikipagrelasyon na marami sa atin ay naranasan na.

Sina Tintin at Jake ay parehong galing sa isang nabigong pag-ibig. Upang mapatunayan kung wala na ngang pag-ibig sa dati niyang nobyo si Tintin binigyan siya ng dare ng kaniyang mga kaibigan na makipagkilala kay Jake. At doon nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Dahil palagi silang nagkikita, naramdaman nila na may atraksyong namamagitan sa kanila.  At ayaw nilang pansinin ito dahil sa mapait na karanasan nila sa dati nilang mga karelasyon. Kaya hindi nila binigyan ng label ang namamagitan sa kanila upang maiwasan na din ang emotional attachment.

Ngunit naging kumplikado ang lahat dahil sa isang pangyayari. Kung saan ang simula ang isang relasyong hindi nila inaasahang uusbong sa kanilang dalawa. Parehong karakter ang natatakot sumugal sa pag-ibig ngunit parehong gustong maging masaya habang buhay. Tinalakay ng pelikula ang pagunawa sa reyalidad na kinasasangkutan ng maraming tao ngayon pagdating sa paglalagay ng pangalan sa kanilang sariling relasyon at ganoon din ang pag-alam sa tunay na nararamdaman para sa isang tao.

Ang ganitong klaseng pelikula ay hindi na bago sa ating panlasa. Maraming palabas at teleserye na nagawa ang ganito ang tema. Kapuna puna ang magaling na pagganap ni Arci Munoz. Nakakaaliw siya at talagang nakakatawa. Tamang tama siya sa mga pelikulang gaya nito. Samantalang si Gerald Anderson naman ay sanay na sanay sa bawat eksena. Hindi na din ito bago sa kaniya dahil sa gumaling na din siya sa pag-arte.


Magugustuhan ito ng mga manonood. Simple at nakakatawa ito na tamang tama para sa isang romantikong pelikula.

No comments:

Post a Comment