Sunday, January 1, 2017

Vince & Kath & James: Movie Review

Theater Movie Poster

Petsa nang Pagpapalabas: Disyembre 25, 2016

Haba nang Pelikula: 1oras 56minuto

Direktor: Theodore Boborol

Kategorya: Teen Romance

Panulat ni: Daisy G. Cayanan, Kim R. Noromor at Anjanette M. Haw

Prodyusers: ABS-CBN Film Production

Bida nang Pelikula:
  • Julia Barretto bilang si Kathleen/Kath – mechanical engineering na istudyante, mapagmahal at gagawin lahat para sa kaniyang pamilya.
  • Joshua Garcia bilang si Vince/Var – electrical engineering na istudyante, anak sa pagkakasala ng kaniyang ina, laging sinasalo sa mga problema si James na kaniyang pinsan, matagal nang may gusto kay Kath.
  • Ronnie Alonte bilang si James – varsity player sa basketbol, nagkagusto kay Kath, laging pinapasa ang problema niya kay Vince.
  • Maris Racal bilang si Maxine – matalik na kaibigan ni Kath.
  • Ina Raymundo bilang ina ni Vince.
  • Shamaine Buencamino bilang ina ni Kath – iniwan ng kaniyang asawa at mag-isang itinataguyod ang kaniyang pamilya.
  • Ana Abad Santos bilang si Beatrice – ina ni James.
  • Jeric Raval bilang ama ni James.
  • Allan Paule bilang ama ni Kath.
  • Milo Elmido Jr. bilang si Clinton – bading na kaibigan ni Vince.
Sinematograpiya: Gary Gardoce

Base sa: Vince and Kath ni Jenny Ruth Almocera

Taga-pamahagi: Star Cinema

Bansa: Plipinas

Lingguwahe: Tagalog, Filipino

Buod:

Si Kath ay isang mechanical engineering student na tumutulong sa kaniyang ina upang itaguyod ang kanilang pamilya matapos silang iwan ng kaniyang ama para sa ibang pamilya. Kabatchmate niya si Vince na isa namang electrical engineering student. Madalas asarin ni Vince si Kath dahil may lihim siyang pagtingin sa dalaga. Hindi ni Vince maligawan si Kath kaya idinaan na lang niya ang kaniyang mga gustong sabihin sa pamamagitan ng isang blog na the TheVinciQuotes na fan pala si Kath. Nang makita ng pinsan niyang si James si Kath nagustuhan agad ito ng kaniyang pinsan ngunit hindi naman pinapansin ni Kath ang mga text ni James kung kaya nagpatulong ito kay Vince na nagpanggap naman na si Var upang maging textmate sila.Unti unting nahulog si Kath sa mga text ni Var, ngunit nang kailangan ng magkita si James na ang nakipagmeet kay Kath. Makakaya kaya ni Vince na makita sina James at Kath? Pagbibigyan pa rin kaya niya ang kaniyang pinsan?

Pagsusuri:

Isang teen romantic film ang magpapakilig sa atin sa pelikulang Vince & Kath & James na pagbibidahan nina Julia Barretto, Joshua Garcia at Ronnie Alonte. Ito ang isa sa mga pelikula na masasabi nating hindi kailangan ng mga intimate moment para kiligin at matuwa sa isang palabas. Bagay na bagay sa mga kabataan ng makabagong panahon.

Ito ay kuwento ng tatlong istudyante na may kani kaniyang problemang hinarap upang mas makilala pa ang kanilang mga sarili. Si Vince ay matagal ng may gusto kay Kath na hindi niya masabi sa dalaga, kung hindi pa dumating si James na pinsan nito hindi nito ipaglalaban ang kaniyang sarili at pagmamahal para kay Kath.

Sa direksyon ni Theodore Boborol, pinakilig at pinasaya tayo ng palabas na ito. Maayos na nailahad ang problema ng bawat isa ngunit hindi masyadong na emphasize yung kung conflict sa pagitan ng tatlong bida. Nais lang nitong ipabatid na may mas mahalaga pang problema bukod sa problemang pang puso at ito ay ang usaping pampamilya.

Ang simple at magaan yung mga linya sa pelikula. Hindi ito masyadong malalim dahilan upang mas madaling maipaabot ang mga mensahe at aral na nais nitong maiparating sa mga manonood. Madaling maintindihan at maayos na naibigay ng mga bida ang kanilang layunin sa pelikula. Ilan sa mga aral dito ay ang pag-aaral nang mabuti, mahalin ang pamilya at matutong mahalin ang sarili at ipaglaban ang nararapat para sa iyo.

Nakakakilig din ang mga kantang ginamit, tamang tama at swak na swak sa panlasa ng bagong henerasyon ngayon.

Napakagaling at natural nang pag-arte ni Barreto, hindi ito pilit at halatang malaki na ang kaniyang pinagbago mula ng magsimula siya. Samatalang si Garcia naman ay nakikita mo ang isang batang John Lloyd Cruz sa kaniya. Sa mga aksyon at kilos at maging sa pag-iyak ay parang si Lloydie talaga. Hindi ko naramdaman ang pag-arte ni Alonte, kailangan pa niya nang pagsasanay upang mas maging convincing ang kaniyang pag-arte. 

Sa kabuuan maraming aral sa buhay ang naibahagi ng pelikula lalo na sa mga kabataan ngayon. Silipin at kilalanin ang buhay nina Vince & Kath & James.

No comments:

Post a Comment