Wednesday, October 5, 2016

Ang Babaeng Humayo (The Woman Who Left)

Petsa nang Pagpapalabas: Setyembre 28, 2016
Haba nang Pelikula: 3oras 37minuto
Direktor: Lav Diaz
Kategorya: Drama
Panulat ni: Lav Diaz
Prodyusers: Lav Diaz
Bida sa Pelikula: Charo Santos-Concio (Horacia), John Lloyd Cruz (Hollanda), Cacai Baustista (Dading), Michael De Mesa (Rodrigo), Sharmaine Buencamino ( Petra)
Taga-pamahagi: Star Cinema
Bansa: Pilipinas
Lingguwahe: Tagalog, Ingles
Inspirasyon: God Sees The truth But Waits ni Leo Tolstoy
Parangal: Best Picture sa Golden Lion Award nang 73rd Venice International Film Festival
Buod:
Si Horacia ay nakulong sa kasalanang hindi niya ginawa. Pagkalabas niya nang kulungan pinuntahan niya ang kaniyang anak na babae at doon nalaman niya na namatay na pala ang kaniyang asawa at nawawala naman ang kaniyang anak na lalaki. Kaniyang natanto na hanggang sa panahong iyon naghahari pa rin sa kapangyarihan ang mga mayayaman. Napagalaman niya rin na naframe up lang siya nang kaniyang dating mayamang nobyo kung kaya’t bumuo siya nang isang plano nang paghihiganti.
Pagsusuri:
Sa pelikulang ito si Charo Santos ay si Horacia isang dating titser na nakulong sa loob nang tatlumpung taon. Si Petra ay ang kaibigang matalik ni Horacia sa loob nang kulungan na umamin na siya ang gumawa nang pagpatay na ikinaso sa kaniya. At ang utak nito ay kaniyang dating kasintahan bilang paghihiganti sa kaniya. Kaya nung nakalabas siya hinanap niya ang kaniyang pamilya na matagal na niyang hindi nakikita. At hahanapin niya rin ang katarungan sa nangyari sa kaniya.
Unang beses ko pa lang makapanood nang isang Lav Diaz na pelikula. Dahil sa maraming magagandang pagsusuri na aking naririnig tungkol dito kaya napagdesisyunan ko na subukan itong panoorin. Karamihan kasi sa mga pelikula ni Lav Diaz ay mahahaba, kaya minsan naitatanong ko na lang “bkit sobrang haba nang kuwento?”.
Pagkatapos ko itong mapanood, mas naintindihan ko kung paano gumawa nang pelikula ang isang Lav Diaz. Wala akong ibang masasabi kundi napakaganda nang palabas na ito. At mayroon silang dahilan kung bakit ito nanalo nang parangal na tinalo ang napakaraming pelikula nang ibang bansa. Inabot nang mahigit sa tatlong oras ang palabas ngunit hindi mo ito mararamdaman dahil sa ganda nang pagkakagawa nito. Marami ang nagsasabi na ganito talaga ang pelikulang tatak Lav Diaz. Ang iba kayang gumawa nang kuwento sa loob nang 4 na minuto ngunit si Diaz ay apat na oras.
Mapapansin agad nang manonood ang galing sa pagarte sa palabas na ito. Kasama ni Charo Santos sina John Lloyd Cruz, Shamaine Buencamino, Michael de Mesa at Nonie Buencamino na pawang mga de kalibreng aktor at aktres. Si Shamaine Buencamino at de Mesa ay pinakita lamang na ilang minuto ngunit tumatak ang kani kanilang karakter na ginampanan.
Maraming kritiko ang madalas na nagsasabi na ibang John Lloyd Cruz ang makikita natin dito tuwing gumagawa siya nang pelikula. Ngunit sa Ang Babaeng Humayo talagang kakaiba  at halos hindi makikila si Cruz nang mga manonood. Siya ay si Hollanda na isang baklang may sakit na epilepsi na kaibigan ni Horacia.
Sa kanyang pagganap bilang Hollanda masasabi talaga na isa siya sa pinakamagaling na aktor ngayon. Bukod sa pagiging magaling, kilala din siya sa pagganap sa mga mapanghamong karakter.  Kilala siya bilang si Popoy  sa romantikong pelikula na One More Chance, ngunit nitong mga huling niya palabas puro mapanghamong karakter ang ginagampanan niya. Sana makita pa natin siya sa iba pang pelikula na gaya nito.
Ngunit ang pinaka bida nang Ang Babaeng Humayo ay walang iba kundi si Charo Santos Concio. Sa aking opinyon magaling ang kaniyang pagganap sa pelikulang ito. Bilang si Horacia na isang titser makikita mo ang isang tao na may malambot na puso. Ang kaniyang pagiyak sa nangyari sa kaniyang pamiya, at ang pagtulong niya sa mga taong nakakasalamuha niya ay nagpapaalala nang isang tao na kilala nating lahat, ito ay si “Ate Charo”.

1 comment: