Saturday, October 22, 2016

Viral

Petsa nang Pagpapalabas: Oktubre 12, 2016
Haba nang Pelikula: 1oras 29minuto
Direktor: Henry Joost, Ariel Schulman
Kategorya: Katatakutan, Sci-fi
Panulat ni: Christopher Landon, Barbara Marshall
Prodyusers: Jason Blum, Sherryl Clark
Bida nang Pelikula: Sofia Black-D’Elia (Emma Drakeford), Analeigh Tipton (Stacey Drakeford), Travis Tope (Evan Klein), Michael Kelly (Michael Drakeford), Machine Gun Kelly (Colson Baker), John Cothran (Mr. Toomey), Stoney Westmoreland (Bill), Linzie Gray (Gracie Lemay), Judyann Elder (Mrs. Toomey), Philip Labes (Gangly Kid)
Musika: Rob Simonsen
Sinematograpiya: Magdalena Gorka
Taga-ayos: Ron Dulin, William Yeh
Taga-pamahagi: Dimension Films
Bansa: Estados Unidos
Lingguwahe: Ingles
Buod:
Ang magkapatid na Emma at Stacey ay namumuhay ng masaya sa isang bayan ng isang misteryosong virus ang tumama sa kanilang lugar. Mabilis na kumalat ang sakit sa buong bayan at upang hindi mahawa binarikadahan nila ang kanilang sarili bilang proteksyon.
Pagsusuri:
Sa dumaraming pelikula na lumalabas sa ngayon maiiba pa ba ang Viral. Ngunit kung ang hinahanap ng manonood ay iyong mga pumapatay na mga zombie kagaya ng sa The Walking Dead, mabibigo lang kayo sapagkat naiiba ito.
Isang sakit ang kumakalat na sa buong mundo sa simula pa lamang ng pelikula ngunit hindi pa alam kung hanggang saan na ang apektado. Paglakas kumaen, lagnat, at pag-ubo na may kasama dugo ang ilan sa sintomas nito. Hindi nila alam na  kapag nahawa ka nito makokontrol na siya ng parasitikong pumasok sa kaniyang katawan at maikakalat ang sakit kung maubuhan ng dugo ang ibang hindi tao.
Upang maagapan ang pagkalat ng sakit sa buong Estados Unidos, ang buong bayan ay inilagay sa quarantine at pinaligiran ng mga military, kasama dito ang bayan ng Shadow Canyon kung saan nakatira si Emma na kakalipat lang sa lugar na ito. Ipinakita na mabilis na kumalat ang sakit habang nagmamadaling humanap ng gamot ang mga siyentipiko habang ang mga sundalo naman ay pinipigil ang mga naimpeksyon ng tao, ngunit ang sentro ng kuwento ay tungkol kay Emma.
Kahit walang sakit na kumakalat, madami ng problema sa buhay si Emma. Muling siyang nakikibagay sa bago nilang lugar na nilipatan. May gusto din siya kay Evan. Lagi din silang nagaaway ng kaniyang kapatid na si Stacey. Hindi na rin maayos ang pagsasama ng kanilang magulang. At ngayon naman kailangan niyang proteksyunan ang sarili sa isang kumakalat na mikrobyo.
Upang maipakita ang lawak ng epidemya ginamit ng manunulat si Emma bilang pangunahing karakter imbes na mga propesyonal na tao, tama ang pagkakapili sa isang tinedyer na makikita mo ang pagiging mahina sa mga bagay na ganito. Wala din sa bahay nila ang kaniyang mga magulang at hindi sila mapuntahan sapagkat nababarikadahan sila ng mga sundalo. Nang mahawa si Stacey, ginawa lahat ni Emma upang iligtas ang kaniyang kapatid. Kahit lagi silang nag-aaway, mahal na mahal niya ito.
Dahil ang mga pangunahing bida ay mga tinedyer pa, marami silang nagiging desisyon na mali. Andyan iyong magsaya habang napapaligiran sila ng mga sundalo. Medyo maguguluhan din kayo minsan sa takbo ng istorya.
Ang kuwento ni Landon at Marshall ay isinapelikula ng director na sina Joost at Schulman. Ito ang pangatlong nakakatakot na pelikula na ginawa nina Joost at Schulman, sumusunod sa PARANORMAL ACTIVITY (3 & 4).
Isang kakaiba pelikula tungkol din sa mga zombie. Kung papanoorin niyo ito siguro hindi ninyo maalala ang lahat kundi ang mga imahe ng mga nakakadiring uod na nagbibigay ng sakit sa lahat.

No comments:

Post a Comment