Wednesday, October 12, 2016

Patintero : Ang Alamat ni Meng Patalo

Petsa nang Pagpapalabas: Oktubre 5, 2016
Haba nang Pelikula: 1oras 40minuto
Direktor: Mihk Vergara
Kategorya: Drama, Komedya
Panulat ni: Zig Marasigan
Prodyusers: Tuko Films, Buchi Boy Entertainment and Artikulo Uno Produsctions
Bida nang Pelikula: Nafa Hilario-Cruz (Meng Francisco), Lenlen Frial (Nicay), William Buenavente (Swifty), Claude Mikael Adrales (Z-Boy), Vince Magbanua, Rain Villar, Nomer Limatog Jr.
Musika: Mikey Amistoso, Diego Mapa, Jazz Nicolas
Sinematograpiya: Mycko David
Taga-ayos: Mai Dionisio
Parangal: Audience Choice Award at Gender Sensitivity Award sa 2015 QCinema International Film Festival
Bansa: Pilipinas
Lingguwahe: Tagalog
Buod:
Sa kalye ng barangay San Jose may sikat na laro at ito ay ang patintero. Si Meng Francisco ay kilala bilang si ‘patalo’ dahil kahit minsan hindi pa siya nanalo kahit isang laro. Dumating ang Linggo ng Wika at nagkaroon ng palarong pampaligsahan sa patintero. Sumali si Meng at bumuo ng grupo ng mga talunan ding kasama upang subukan muling maglaro. Binubuo ito nina  Nicay  na palaaral niyang kaibigan, Shifty na wirdo, at ang misteryosong  taga lungsod na si Z-boy. Nagsanay sila bago ang laro at hindi naman sila nabigo, tumaas ang kanilang lebel upang malaman lamang sa huli na marami na ang nakataya at hindi na lang simple pagkakapanalo o pagkatalo ang larong kanilang sinalihan.
Pagsusuri:
Pag binanggit mo ang salitang patintero ngayon sa mga kabataan hindi na nila ito kilala, depende na lang kung naituro sa kanila ng mga nakakatanda. Naging alaala na lang ito ng ating mga magulang. Ngunit sa larong ito malalaman ang bilis ng iyong pag-iisip at katawan.
Hindi katulad sa mga laro sa computer ngayon, ang patintero ay nangangailangan ng isang lugar na malawak kung saan guguhitan mo ito nang isang parisukat na mgiging inyong laruan.
Dalawang koponan ang maglalaban upang makalusot sa parisukat na guhit hanggang sa dulo ng walang natatayang kakampi. Kung sino man ang matataya sa kalabang koponan ay matatanggal sa laro. Ang layunin nito ay ang makatagal sa laro at makapunta sa dulo ng hindi natataya.
Ang pinoy na larong ito ang sentro ng pelikula ni director Mihk Vergara na Patintero: Ang Alamat ni Meng Patalo na unang nakita noong 2015 sa QCinema Fim Festival.
Nakuha ng Patintero ang tradisyunal na larong Pilipino sa kuwento ni Meng Francisco na pinaka lider ng grupong Patalo sa isang paligsahan sa Barangay San Jose.
Nagsimula ang grupo niya kasama si Nicay at Swifty na lagi din natatalo. Ngunit nag-iba ito ng sumali sa kanila si Z-boy na siyang taga pagtanggol ng mga talunan. At dito nagsimula ang kanilang pagkapanalo at naiba na ang trato sa kanila.
Ngunit ang pelikula ay hindi lang tungkol sa isang tradisyunal na larong na nawala na kundi nagpapakita din ito ng mga kakababaihan na kayang tumayo laban sa mas malalaki at matatandang lalaki na nanloloko sa kanila.
Ang pelikulang ito ay nagpapakita na lahat nang kasalanan o kasamaan ay kailangan bayaran, kailangang irespeto ang mga matatanda, pagtutulungan at pagkakaibigan ang susi sa tagumpay.
Ang mga bidang artista ay nagpakita ng galing sa pag arte na nakakagulat sa kanilang murang edad. Ang mga mata ni Nafa ay may mga tingin na nakakatakot sa isang eksena at nakakaawa naman sa sunod. Samantalang ang kaniyang mga kasamahan naman ay nagpakita ng pagiging determinado at kaaliw aliw sa kanilang ginagawa.
Si Lola Sang ay larawan ng isang mabait na taga pag-alaga na siyang kumupkop at nagpalaki  sa kaniyang apo upang lumaking malakas habang naghahanap buhay ang kaniyang mga magulang.
Isang magandang alternatibo ang patintero sa mga sikat na laro sa computer ngayon. Hindi lang naeehersisyo ang katawan kundi nahahasa din ang utak ng mga kabataan.
Higit sa lahat puwede itong panoorin kasama ang mga nakakatanda at magpalitan ng opinyon ukol sa pelikula na magandang pambuklod sa lahat ng pamilya.

No comments:

Post a Comment