Petsa nang Pagpapalabas: Nobyembre 30, 2016
Haba nang Pelikula: 1oras 45minuto
Direktor: Bb. Joyce Bernal
Kategorya: Komedya, Drama, Horror, Aksyon
Istorya ni: Jose Marie Viceral, Rodel Nacianceno
Sinulat ni: Vice Ganda, Coco Martin
Script ni: Danno Kristoper Mariquit
Prodyusers: Charo Santos-Concio, Malou N. Santos
Bida nang Pelikula:
- Vice Ganda bilang si Arci/Ariel Siriaco – kaibigan ni Sarah at ninong nina Megan at Ernie.
- Coco Martin bilang si Paco Gaspar – kapatid ni Sarah.
- Matet de Leon bilang si Sarah Gaspar – kapatid ni Paco at ina nina Megan at Ernie.
- Awra Briguela bilang si Melvin Gaspar/ Megan - anak ni Sarah.
- Onyok Pineda bilang si Ernesto/Ernie Gaspar – anak ni Sarah.
- Kiray bilang si Liza – kaibigan ni Arci.
- Lassy Marquez bilang si Nadine – kaibigan ni Arci.
- MC Calaquian bilang si Kathryn – kaibigan ni Arci
Kanta:”Ang Kulit” ni Vice Ganda
Taga-ayos: Joyce Bernal
Taga-pamahagi: StarCinema
Bansa: Pilipnas
Lingguwahe: Tagalog, Filipino
Buod:
Si Paco ay lider ng isang gang at laging napapaaway, nang namatay si Sarah ang kaniyang kapatid napilitan siyang maghanap ng ibang matutuluyan para sa kaligtasan ng dalawa niyang pamangkin. Nakilala niya si Arci na kaibigan ni Sarah at ninong ng mga bata. Si Arci ay isang assistant kay Madam Marife na magiisponsor sa kaniya upang makapunta siya ng Korea. Nagtulungan sina Paco at Arci upang hanapin ang pumatay kay Sarah at kung sino ang tunay na ama ng mga anak nito.
Pagsusuri:
Pinagsama-samang aksyon, drama, horror at komedya ang maagang pamaskong handog nina Vice Ganda at Coco Martin na “The Super Parental Guardians”. Sinamahan pa sila ng dalawang breakout child stars na sina Onyok Pineda at Awra Briguela at sa direksyon ni Bb. Joyce Bernal. Humakot ang palabas ng maraming manonood ng unang araw ng pagpapalabas nito.
Sa simula pa lang ng kuwento ay maaksyon na agad ang mga unang eksena ni Coco kung saan nakikipaghabulan at nakikipag-away siya sa kalabang gang group na pinamumunuan ni Joem Bascon. Pinag-aawayan nila si Emee at kung sino talaga ang tunay nitong nobyo. Si Coco ay si Paco na lider ng isang grupo sa kanilang lugar na madalas maraming patayan. Palagi siyang pinagsasabihan ng kaniyang kapatid na si Sarah na tumigil na sa pakikipag-away para na din sa dalawang pamangkin nito na sina Megan at Ernie.
Magkaibigan matalik naman sina Arci at Sarah na nangako sa isa’t isa na magiging pangalawang magulang sila ng kani-kanilang mga anak. Nang mamatay si Sarah hinabilin niya ang kaniyang mga anak kay Arci at Paco. Si Arci ay isang assistant kay Madam Marife na siyang nagiisponsor sa kaniya upang makapunta sa Korea. Pansamatalang tumira si Arci sa bahay ni Marife upang bantayan ang renovation nito. Dito niya din muna pinatira sina Paco at ang dalawang bata upang malayo sa kaguluhan sa dating tirahan ni Paco. Madalas magpakita kina Paco at Arci si Sarah dahilan upang hanapin nilang dalawa ang tunay pumatay kay Sarah at ama nina Megan at Ernie.
Maganda yung execution ni Bernal sa pelikulang ito. Hindi nagmamadali at hindi din boring. Tamang tama lang ang bawat eksena. May kani kaniyang parte ang bawat karakter. Hindi nag-aagawan o nagsasapawan sa mga eksena. Nabuild up niya yung magandang distribusyong sa bawat isa.
Ito yung bersyon ni Vice Ganda ng pelikula na hindi siya trying hard magpatawa. May kuwento at kaunting lalim na ibinahagi sa pelikula. Hindi lang siya puro bato ng punchline kagaya ng dati niyang ginagawa sa iba niyang palabas. Maganda yung kombinasyon nila ni Coco na nagbigay kulay sa karakter nilang dalawa sa pelikula. Hindi siya puro patawa, may mga seryosong eksena din lalo sa parte ni Coco.
Yung kuwento nilapatan nila ng iba’t ibang elemento. Hindi lang nagpapatawa kundi may aksyon at labanan ding kasama. May isinama ding kaunting horror na magpapagulat pa din sa manonood. At drama na hindi mo inaasahan na kukurot sa iyong puso sa bawat linyang binibitawan.
Makakarelate ka talaga sa mga linya dito lalo sa eksena ni Vice at Coco at yung kay Awra at Vice. Hindi lang siya puros patawa kundi may kasamang emosyon. Siguro tama nga yung sinasabi nila na kung sino pa yung mga artistang nagpapatawa sila yung mas malalim ang pinagdadaanan sa buhay na kitang kita mo sa bawat bigkas ni Vice ng kaniyang linya.
Maayos din pinakita ang pagkakaiba nina Coco at Vice sa pelikula. Si Coco bilang lider ng gang group ay nilagyan nila ng kulay ang buhok at mahabang buntot, pati ang damit nito ay pang astig na lider samahan pa ng maraming tattoo. Samantalang nakakatuwa naman ang mga damit ni Vice na mas nagpapakita ng tunay niyang pagkatao. Makulay ito at nakakatutuwa sa ginagampanan niyang karakter.
Beterano na sina Vice at Coco sa mga ganitong pelikula. Maayos na nagampanan ni Coco ang kaniyang karakter at wala pa din siyang kupas pagdating sa mga aksyon at labanan. Kakaibang Vice Ganda naman ang pinakita dito ni Vice, yung mga punchline niya andoon pa din pero mas nadagdagan pa ito ng maayos niyang naideliver ang mga dramatic scenes niya. Hindi din nagpatalo sina Onyok at Awra at nakipagsabayan sa pag-arte sa dalawang bigating artista. Hindi sila nagpahuli sa pagbato ng mga linya at maayos nilang ito naipakita kahit bata pa lang sila.
Isang pasabog ang hindi ninyo dapat palampasin sa ending ng pelikula. Tiyak na matutuwa kayo at uuwing may ngiti sa mga labi. Kaya huwag palampasin at sugod na sa mga sinehan.
Ano po ung mga inaasahang dapat pa nilang pagbutihin sa palabas po?
ReplyDelete