Tuesday, November 22, 2016

Fantastic Beast and Where to Find Them



Petsa nang Pagpapalabas: Nobyembre 16, 2016

Haba nang Pelikula: 2oras 13minuto

Direktor: David Yates

Kategorya: Pantasya

Panulat ni: J.K. Rowling

Prodyusers: David Heyman, J.K. Rowling, Steve Kloves, Lionel Wigram

Bida nang Pelikula: 
  • Eddie Redmayne bilang Newt Scamander – isang wizard na maraming alaga kakaibang hayop sa loob ng kaniyang maleta. May-akda ng Fantastic Beast and Where to Find Them na matatagpuan sa Hogwart.
  • Katherine Waterston bilang Tina Goldstein – isang mabait na wizard na tumulong kay Newt, dating may mataas na posisyon sa Ministry of Magic ngunit nademote dahil sa isang pangyayari.
  • Dan Fogler bilang Jacob Kowalski – pangarap magkaroon ng bakeshop, naging kaibigan ni Newt at na inlove sa kapatid ni Tina na si Queenie.
  • Alison Sudol bilang Queenie Goldstein – isang wizard at mabait na kapatid ni Tina.
  • Colin Ferrell bilang Percival Graves – isa sa may mataas na antas sa Wizarding world. Dahil sa polyjuice naitago ang katauhan bilang tunay na Grindelwald.
  • Johnny Depp bilang Gellert Grindelwald – pangalawa sa painakamalakas at masamang wizard sunod kay Voldemort.
Musika: James Newton Howard

Sinematograpiya: Philippe Rousselot

Taga-ayos: Mark Day

Taga-pamahagi: Warner Bros. Pictures

Base sa: Fantastic Beast and Where to Find Them ni J.K. Rowling

Bansa: Estados Unidos

Lingguwahe: Ingles

Buod:

Si Newt Scamander ay napadaan sa New York bago magtungo ng Arizona ng sa hindi inaasahang pangyayari ang isa niyang alagang creature ay nakalabas mula sa kaniyang mahiwagang maleta na naglalaman ng napakaraming kakaibang hayop. Sa paghabol dito nagkapalit sila ng maleta ni Jacob at napakawalan nito ang ilan sa mga hayop na alaga nito. Dahil doon napagbintangan siya ni Tina na may dahilan ng mga pagkasirang nagaganap sa New York. Ngunit pinatunayan ni Newt na hindi ang mga alaga niya ang dahilan nito. Nagpatulong siya kay Jacob upang mahuling muli ang mga nakawalang alaga upang patunayan na hindi sila ang dahilan ng mga nangyayari sa New York. Samantala si Graves ay walang humpay na nakikipag-ugnyan sa isang bata upang hanapin ang isang Obscurus na sa palagay niya ay siyang sumasalakay sa New York. Ito ay mga batang wizard na may masamang kapangyarihan na maaring magdala ng malaking pinsala at karaniwang tinatago ang kanilang mga kapangyarihan. Dito magtatagpo ang landas nina Tina, Newt at Graves upang subukang iligtas at tulungan ang batang Obscurus.

Pagsusuri:

Matapos ang sikat na serye ng Harry Potter muling nagbabalik pelikula ang isa na namang aklat ni J.K. Rowling na Fantastic Beast and Where to Find Them. Ito ang unang beses na naging parte si Rowling bilang manunulat ng isang pelikula. At maayos niya itong naibahagi muli sa mga manonood.

Ito ang kuwento tungkol sa pakikipagsapalaran ni Newt Scamander ng mapadaan siya sa New York. Nais lumikha ni Newt ng isang libro na maglalaman ng tungkol sa mga kakaibang creatures na kaniyang natagpuan sa kaniyang paglalakbay. Ang kuwentong ito ay nangyari bago pa ang kuwento ni Harry Potter. Sapagkat ang kaniyang mga libro ay pinag-aaralan na ni Harry noong panahon niya. Nakawala sa kaniyang maleta ang isa niyang alaga at sa paghabol niya dito naipagpalit niya ito kay Jacob na isang No Maj (isang tao na walang kapangyarihan) at napakawalan ang ilan sa kniyang mga alaga. Tinulungan naman siya nito upang maibalik sa kaniyang maleta ang mga nakawala upang hindi na siya mapagbintangan sa isang kaso na nangyayari sa New York. Patuloy na namiminsala ang isang hindi kilalang kalaban kung kaya nagtulong tulong sina Graves, Tina at Newt upang malaman kung sino talaga ang gumagawa nito.

Ang palabas ay binuo ng dalawa bahagi. Una ang kuwento ni Newt sa paghuli muli sa kaniyang mga alaga at ang pangalawang kuwento ay ang paghuli at paglaban sa isang Obcurus. Hindi tinipid yung kuwento. Siksik na siksik yung dalawang oras ng pelikula. Puno ito ng mahika at mga kakaibang nilalang na magiging kasiya siya sa mga fans ng Harry Potter. Hindi mo din mahuhulaan kung sino talaga ang tunay na kaaway. 

Ang ganda nung sinematograpiya. At mas lalong kamangha mangha yung loob nung maleta ni Newt. Sino ang magaakala na ang isang maliit na maleta ay maglalaman ng isang kakaibang mundo sa loob. Nakakatuwa at nakakamangha ang isip ni Rowling sa mga ganitong bagay. Ang lawak ng kaniyang imahinasyon sa pagimbento ng mga hindi pangkaraniwang mga bagay at nilalang.

Kahanga hanga din yung mga eksena na nilapatan ng mahika gaya ng lumilipad na mansanas, damit at papel. Mararamdaman mo talaga na nasa mundo ka ng mahika sa pelikulang ito. Maayos na naisabuhay ang mga kakaibang nilalang sa libro ni Rowling.

Medyo hindi masyadong nabigyang diin yung mga aksyon scenes. Siguro mas nagpokus sila sa mga nilalang kesa sa maaksyong labanan. Wala masyadong makapigil hiningang parte na aasahan dito. 

Sa mga nakakamiss kay Harry Potter, tuklasin at mamangha sa kakaibang mundo ni Newt Scamander.

No comments:

Post a Comment