Monday, October 24, 2016

Jack Reacher: Never Go Back

Petsa nang Pagpapalabas: Oktubre 19, 2016
Haba nang Pelikula: 1oras 58minuto
Direktor: Edward Zwick
Kategorya: Aksyon, Misteryo
Panulat ni: Richard Wenk, Edward Zwick, Marshall Herskovitz
Prodyusers: Tom Cruise, Don Granger, Christopher McQuarrie
Bida nang Pelikula: Tom Cruise (Jack Reacher), Cobie Smulders (Susan Turner), Aldis Hodge (Major Espin), Danika Yarosh (Samantha Dayton), Patrick Heusinger (The Hunter), Holt McCallany (Colonel Morgan), Austin Hebert (Daniel Prudhomme), Robert Catrini (Colonel Moorcroft), Robert Knepper ( General Harkness)
Musika: Henry Jackman
Sinematograpiya: Oliver Wood
Taga-ayos: Billy Weber
Taga-pamahagi: Paramount Pictures
Bansa: Estados Unidos
Lingguwahe: Ingles
Buod:
Matapos ang apat na taon muling bumalik si Jack Reacher bilang militar. Hinanap niya ang kaniyang dating kasamahan na si Susan Turner na siyang katulong niya dati sa pagresolba ng mga kaso. Ngunit ng bumalik siya kaniyang napag-alaman na si Susan ay nakasuhan ng pagiispiya. Habang humahanap siya ng paraan para mapalaya ito, nakilala naman niya ang isang batang babae na nasa panganib upang malaman lamang na maaring anak niya ito.
Pagsusuri:
Kilalang kilala sa mga blockbuster na pelikula gaya ng Mission Impossible si Tom Cruise. Nakita natin siya bilang si Ethan Hunt at nasabik sa mga pakikipagsapalaran nito. Andiyan din ang The Last Samurai na idinerekta din ni Edward Zwick. At bilang Jack Reacher napatunayan niya na siya pa rin ang nag-iisang hari ng aksyon kasama ang kaniyang mapanggayumang karisma. Maraming eksena ang kapanapanabik lalo na ang pinaka katapusang bahagi kung saan nagpakita si McQuarrie ng kahanga hangang aksyon sa habulan ng kotse.
Sa muling pagbabalik ni Reacher sa Washington D.C. kaniyang nalaman na wala na sa kaniyang puwesto si Turner at naakusahan ito ng pagtataksil. Isa pang hindi inaasahang pangyayari ang gumulat sa kaniya. Isang dating prostitute ang naghahabol sa kaniya at nagsasabi na siya ang ama ng kinse anyos na batang babae na si Samantha. At dahil wala naman tayong alam sa nakaraan ni Reacher hindi natin masasabi kung totoo ito, kung kaya isinama na lamang niya ang bata.
Kung ikukumpara sa unang pelikula nito, masasabi kong mas maganda ito. Sa ekpresyon pa lamang ng mukha at kaunting kilos nakikita mo na ang mga matinding pangyayari sa bawat eksena. Masasabi kong si Cruise pa rin ang nababagay sa karakter ni Reacher at nagwa niya itong ng mahusay kahit pa nga may katandaan na siya. Siya pa rin ang maaring makapaghandog sa atin ng isang maaksyong pelikula na katutuwaan ng marami.
Ang magaling ding si Patrick Heusinger ang siyang kaaway dito kung saan naatasan siya ng isang corrupt na militar upang patayin ang dalawang sundalo upang maisisi kay Turner, at dito nagsimula ang lahat sa kuwento. Ngunit marami sa mga maaksyong parte ay halos hindi na bago at nakita na sa ibang palabas na kung tutuusin ay mas maganda pa ang pagkakagawa. Kung gusto ninyo ng aksyon, tamang tama ang pelikulang ito ngunit hindi siya ung maaalala mo o papanooring muli.

Sunday, October 23, 2016

Bakit Lahat ng Gwapo may Boyfriend?

Petsa nang Pagpapalabas: Oktubre 19, 2016
Haba nang Pelikula: oras minuto
Direktor: Jun Robles Lana
Kategorya: Comedy, Drama
Panulat ni: Denoy Navarro-Punio, Renei Dimla
Istorya ni: Jun Robles Lana
Prodyusers: Vincent del Rosario III, Veronique del Rosario-Corpus
Bida nang Pelikula: Anne Curtis (Kylie), Dennis Trillo (Diego), Paolo Ballesteros (Benj), Will Devaughn, Yam Concepcion (Fiona), Sinon Loresca
Musika: Richard Gonzales
Taga-ayos: Thatchenko Salcedo
Taga-pamahagi: Viva Films
Bansa: Pilipnas
Lingguwahe: Tagalog, Filipino
Buod:
Si Kylie ay isang wedding planner na nagkaroon na  maraming boyfriend na  puro mga bakla at isa na dito ang kaniyang best friend na ngayon na si Benj. Hinikayat ni Benj si Kylie na patunayan kung bakla din ba ang kaibigan nito at dati niyang crush na si Diego. Kung kaya tiningnan niya ang mga senyales habang nag-aayos sila ng kasal nito sa kaniyang kasintahan na si Fiona.
Pagsusuri:
Ito ay kuwento ng isang desperadang babae na si Kylie. Siya ay isang wedding planner na ang mga naging nobyo ay puro mga bakla. At sa kaniyang mga naranasan naging magaling na siya sa pagtingin at pagkilala sa tunay na kasarian ng mga lalaking nakakasalamuha niya. Ang kaniyang kaibigan at dati niyang bf na si Benj ay hinikayat siya na gamitin ang kaniyang galing upang malaman kung bading ang kaniyang kababata na si Diego na dati niyang crush.
Nakakatawa ang buong pelikula samahan pa ng mga nakakatawang linya ng bawat karakter. Ngunit madaming eksena ang minsan OA  at masyadong mababaw na nakakapagpagulo ng daloy ng tunay na kuwento.
Ang  mapapangasawa ni Diego na si Fiona ay palaging abala kaya madalas na hindi nakakapunta sa mga paghahanda nila sa kasal. Kung kaya sa mga sumunod na eksena si Kylie ang lagi nitong kasama. Na kung titingnan ay hindi katanggap tanggap para lamang mapaganda at magkaroon ng kuwento ang pelikula.
Nakilala na si Paolo sa kaniyang pagganap bilang bading sa maraming pelikula kung kayat hindi na bago ang ganitong palabas bilang Benj na isang bading na nagpapanggap na lalaki.
Ang palabas ay tumatalakay sa mga bading bilang sentro ng kuwento at kung paano sila mapagkakatuwaan na kadalasan ay kabaligtaran kung ano talaga sila sa kabuuan. Ang mga ekspresyon ni Kylie habang tinitingnan ang mga senyales sa pagiging bading ng isang tao ay hindi makatarungan kung yun lang ang pagbabasehan.
Ngunit binawi ito ng huling parte ng pelikula kung saan lumabas ang matinding emosyon at sentimiento ni Kylie kay Diego na pinatunayan sa kaniya kung gaanong siyang nagkamali sa pagkakakilala sa kaniya.
Sa huli ang pagiging bading/bakla ay isang desisyon at isang pagtanggap sa sarili. Walang madali at mabilis na paraan kung paano. Ikaw ang magtatakda ng sarili mong batas. Dahil mas nakakaramdam ng tunay na kasiyahan ang taong bukal na tinatanggap kung ano at sino pa siya.

Saturday, October 22, 2016

Viral

Petsa nang Pagpapalabas: Oktubre 12, 2016
Haba nang Pelikula: 1oras 29minuto
Direktor: Henry Joost, Ariel Schulman
Kategorya: Katatakutan, Sci-fi
Panulat ni: Christopher Landon, Barbara Marshall
Prodyusers: Jason Blum, Sherryl Clark
Bida nang Pelikula: Sofia Black-D’Elia (Emma Drakeford), Analeigh Tipton (Stacey Drakeford), Travis Tope (Evan Klein), Michael Kelly (Michael Drakeford), Machine Gun Kelly (Colson Baker), John Cothran (Mr. Toomey), Stoney Westmoreland (Bill), Linzie Gray (Gracie Lemay), Judyann Elder (Mrs. Toomey), Philip Labes (Gangly Kid)
Musika: Rob Simonsen
Sinematograpiya: Magdalena Gorka
Taga-ayos: Ron Dulin, William Yeh
Taga-pamahagi: Dimension Films
Bansa: Estados Unidos
Lingguwahe: Ingles
Buod:
Ang magkapatid na Emma at Stacey ay namumuhay ng masaya sa isang bayan ng isang misteryosong virus ang tumama sa kanilang lugar. Mabilis na kumalat ang sakit sa buong bayan at upang hindi mahawa binarikadahan nila ang kanilang sarili bilang proteksyon.
Pagsusuri:
Sa dumaraming pelikula na lumalabas sa ngayon maiiba pa ba ang Viral. Ngunit kung ang hinahanap ng manonood ay iyong mga pumapatay na mga zombie kagaya ng sa The Walking Dead, mabibigo lang kayo sapagkat naiiba ito.
Isang sakit ang kumakalat na sa buong mundo sa simula pa lamang ng pelikula ngunit hindi pa alam kung hanggang saan na ang apektado. Paglakas kumaen, lagnat, at pag-ubo na may kasama dugo ang ilan sa sintomas nito. Hindi nila alam na  kapag nahawa ka nito makokontrol na siya ng parasitikong pumasok sa kaniyang katawan at maikakalat ang sakit kung maubuhan ng dugo ang ibang hindi tao.
Upang maagapan ang pagkalat ng sakit sa buong Estados Unidos, ang buong bayan ay inilagay sa quarantine at pinaligiran ng mga military, kasama dito ang bayan ng Shadow Canyon kung saan nakatira si Emma na kakalipat lang sa lugar na ito. Ipinakita na mabilis na kumalat ang sakit habang nagmamadaling humanap ng gamot ang mga siyentipiko habang ang mga sundalo naman ay pinipigil ang mga naimpeksyon ng tao, ngunit ang sentro ng kuwento ay tungkol kay Emma.
Kahit walang sakit na kumakalat, madami ng problema sa buhay si Emma. Muling siyang nakikibagay sa bago nilang lugar na nilipatan. May gusto din siya kay Evan. Lagi din silang nagaaway ng kaniyang kapatid na si Stacey. Hindi na rin maayos ang pagsasama ng kanilang magulang. At ngayon naman kailangan niyang proteksyunan ang sarili sa isang kumakalat na mikrobyo.
Upang maipakita ang lawak ng epidemya ginamit ng manunulat si Emma bilang pangunahing karakter imbes na mga propesyonal na tao, tama ang pagkakapili sa isang tinedyer na makikita mo ang pagiging mahina sa mga bagay na ganito. Wala din sa bahay nila ang kaniyang mga magulang at hindi sila mapuntahan sapagkat nababarikadahan sila ng mga sundalo. Nang mahawa si Stacey, ginawa lahat ni Emma upang iligtas ang kaniyang kapatid. Kahit lagi silang nag-aaway, mahal na mahal niya ito.
Dahil ang mga pangunahing bida ay mga tinedyer pa, marami silang nagiging desisyon na mali. Andyan iyong magsaya habang napapaligiran sila ng mga sundalo. Medyo maguguluhan din kayo minsan sa takbo ng istorya.
Ang kuwento ni Landon at Marshall ay isinapelikula ng director na sina Joost at Schulman. Ito ang pangatlong nakakatakot na pelikula na ginawa nina Joost at Schulman, sumusunod sa PARANORMAL ACTIVITY (3 & 4).
Isang kakaiba pelikula tungkol din sa mga zombie. Kung papanoorin niyo ito siguro hindi ninyo maalala ang lahat kundi ang mga imahe ng mga nakakadiring uod na nagbibigay ng sakit sa lahat.

Friday, October 21, 2016

Ma’Rosa

Petsa nang Pagpapalabas: Hulyo 6, 2016
Haba nang Pelikula: 1oras 50minuto
Direktor: Brillante Mendoza
Kategorya: Drama
Panulat ni: Troy Espiritu
Prodyusers: Larry Castillo
Bida nang Pelikula: Jaclyn Jose (Rosa), Julio Diaz (Nestor), Baron Geisler (Sumpay), Jomari Angeles (Erwin), Neil Ryan Sese (Olivarez), Mercedes Cabral (Linda), Andi Eigenmann (Raquel), Mark Anthony Fernandez (Castor), Felix Roco (Jackson), Mon Confiado (Sanchez), Maria Isabel Lopez (Tilde)
Musika: Teresa Barrozo
Sinematograpiya: Odyssey Flores
Taga-ayos: Diego Marx Dobles
Taga-pamahagi: Film Production, Paris
Bansa: Pilipnas
Lingguwahe: Tagalog, Filipino
Buod:
May apat na anak ang mag-asawang Rosa at Nestor at munting sari-sari store sa kanilang lugar sa Manila. Ang kita sa kanilang maliit na tindahan ay hindi sapat sa pangangailangan ng kanilang pamilya, kaya pati mga droga ay itinitinda niya. Isang araw nahuli ang mga ito ng pulis at upang makalaya kailangan nila magbigay ng lagay sa kanila. Nang hindi pumayag sina Rosa nakulong sila at naiwan ang kanilang mga anak upang humanap ng pera upang mailabas ang kanilang magulang sa kulungan.
Pagsusuri:
Ang istorya ng Ma’Rosa ay tumatalakay sa kahirapan ng buhay ng isang tipikal na pamilya na napasailalaim sa mga tiwaling pulis. Nakakagulat at nakakagalit ang mga revelasyon sa palabas na ito.
Napakagaling sa pagganap ni Jacklyn Jose kaya kung hindi ninyo pa nakikita ang pelikula, kailangan ninyo itong panoorin. Dahil siguradong may dahilan ito kung bakit ito naging nominado sa prestihiyosong Cannes Film Festival.
Ikinuwento ng beteranong director na si Brillante Mendoza ang tungkol sa mag-asawang Nestor at Rosa na may maliit na tindahan sa kanilang lugar. Dahil maliit lang ang kinikita ng mga ito sa kanilang tindahan, napupunuan ito ng pagtitinda nila ng shabu na isang klase ng illegal na droga na binebenta nila sa maliliit na pakete.
Sa pamilyang naghihikahos sa hirap lahat ng sentimo ay mahalaga. Kaya gingawa lahat ng mag-asawa upang kumita. Dahilan na rin sa kanilang tatlong anak na kailangan nilang pakainin at ang isa pa ay nagkokolehiyo.
Ngunit hindi nila inaasahan na may magsusumbong sa kanila sa mga pulis.
Dumating ang mga pulis sa bahay nina Rosa at hinuli silang mag-asawa kasama ng mga ebidensyang nakuha sa kanilng bahay. Makikita mo dito ang katotohanang laganap ang droga kahit saan at maging ang mga tiwaling pulis na nagsasamantala sa mga mahihina.
Tinanong ang mag-asawa sa pagdating nila sa istasyong ng pulis. At ang kagulat gulat sa lahat tinanong sila ng pulis kung ano ang pipiliin nila kung makukulong sila at ang krimen nagawa nila ay hindi puwedeng magpiyansa o magbibigay sila sa kanila ng dalawang daang libong piso para ayusin ang kaso at mapalaya na sila. Tinakot nila ang mag-asawa upang bumigay sa mga hinihiling nila. At kung gaano sila pahihirapan sa loob ng kulungan.
Nagpapakita ito kung paano gipitin ng mga tiwaling pulis ang maliliit na tao na nakagawa ng mali. At kung paano nilang itinago ang kanilang kasalanan kanilang ginawa.
Nang malaman ito ng kanilang mga anak gumawa sila ng paraan upang mailabas agad ang kanilang magulang sa kulungan.
May mga parte sa palabas na minsan kagulat gulat at hindi mo inaasahan. Ngunit nais ng pelikulang ito ang ipakita sa mga tao na magkaroon ng bukas na isip sa mga pangyayare, na minsan ay tunay na nagaganap sa maraming tao. Siguradong maraming matututunan ang mga manonood  dito.
Kahirapan ng buhay ang minsan nagtutulak sa maraming tao na gumawa ng mali. Idinodokumentaryo nito ang buhay ng isang kagaya ni Rosa.
Mararamdaman mo ang kakaibang aura ng pelikula na inilabas ang walang katarungang sistema na nagaganap sa mga mahihirap na biktima hindi lang ang mga tiwaling pulis kundi ng illegal na droga.
Ang Ma’Rosa ay napiling lumaban sa Palme d’Or sa 2016 Cannes Film Festival. Kung saan nanalo si Jaclyn Jose ng parangal ng pinakamagaling na aktres.

Thursday, October 20, 2016

Kubo and the Two Strings

Petsa nang Pagpapalabas: Oktubre 12, 2016

Haba nang Pelikula: 1oras 46minuto

Direktor: Travis Knight

Kategorya: Pantasya, Aksyon

Panulat ni: Marc Haimes, Chris Butler

Istorya ni: Shannon Tindle, Marc Haimes

Prodyusers: Travis Knight, Arianne Sutner

Bida nang Pelikula:
  •  Art Parkinson bilang Kubo, bida ng pelikula.
  • Charlize Theron bilang Unggoy/Sariatu, ina ni Kubo at isa sa anak ni Haring Buwan, muling nabuhay sa katauhan ng isang unngoy matapos siyang patayin ng kaniyang mga kapatid.
  • Matthew McConaughey bilang Salagubang/Hanzo, ama ni Kubo, ginawang salagubang ng mag kapatid ni Sariatu.
  • Ralph Fiennes bilang Raiden ang Haring Buwan, lolo ni Kubo, ama ni Sariatu at kaaway sa istorya.
  • Rooney Mara bilang Sisters, masamang tiyahin ni Kubo, kambal na anak ni Haring Buwan.
  • George Takei bilang Hosato, isang taong bayan na tinituruan ang kaniyang anak ng kultura at tradisyon ng Japanese.
  • Cary-Hiroyuki Tagawa bilang Hashi, taong bayan at tagahanga ni Kubo.
  • Brenda Vaccaro bilang Kameyo, tumatayong lola ni Kubo.

Musika: Dario Marianelli

Taga-ayos: Christopher Murrie

Taga-pamahagi: Focus Features

Bansa: Estados Unidos

Lingguwahe: Ingles

Buod:

Ang tahimik na buhay ng batang si Kubo ay biglang nagulo ng aksidente niyang natawag ang isang espiritu mula sa nakaraan. Sa kaniyang pagtakbo dito, nakipagtulungan siya kay unggoy at salagubang upang mabuksan ang isang sekretong pamana. Gamit ang kaniyang mahiwagang instrumento ililigtas niya ang kaniyang pamilya at tutuklasin ang misteryo sa pagkawala ng kaniyang ama na isang magaling na mandirigma at labanan ang hari ng Buwan at mga halimaw na kasama nito.

Pagsusuri:

Ang kuwentong ito ay tungkol kay Kubo na naatasan na hanapin ang mahiwagang kalasag na magiging proteskyon niya sa paglaban sa masamang si Haring Buwan. Base ito sa alamat ng Japanese na dinagdagan pa ng mga kakaibang  eksena sa panulat nina Chris Butler at Marc Haimes na magpapasok sa mga manonood sa mundo ng  kathang isip.

Pero sa panahon ngayon ang pagiging maganda ng isang kathang isip na pelikula ay hindi lang dahil sa kuwento kundi pati kung gaano ito naipakita sa mga manonood at dito nakalamang ang Kubo.

Sa nakakatuwang instrumento ni Kubo, mapapatitig ka sa iyong pinanonooran na parang bata. Dadalhin ka nito sa isang mundo ng kakaibang kuwento at imahinasyon.

Sa paglalakbay ni Kubo sinamahan siya ng mainitin ang ulo na unggoy at isang malaking salagubang na nagampanan ng maayos nina Theron at McConaughey.


Ito ay kuwento na nagpapakita ng katapangan, pagmamahal ng magulang sa anak at pagkakaroon ng magandang istorya. Sinabi ni director Knight na ang Kubo and the Two String ay parangal sa buong Japanese mula sa pagpipinta ng mga ito sa kahoy, ang makalumang sining na origami hanggang sa mga gawa ni Akira Kurosawa at Steven Spielberg. Nakakamangha ang animasyon at aksyon ng pelikula na hindi natatabunan ang mga kakaibang karakter. Ang palabas na ito ay siguradong magpapaiyak, magpapatawa at magpapasaya sa mga manonood.

Tuesday, October 18, 2016

Inferno

Petsa nang Pagpapalabas: Oktubre 12, 2016
Haba nang Pelikula: 2oras 1minuto
Direktor: Ron Howard
Kategorya: Misteryo, Krimen
Panulat ni: David Koepp
Prodyusers: Brian Grazer, Ron Howard
Bida nang Pelikula:
  • Tom Hank bilang Robert Langdon, propesor ng symbology sa unibersidad ng Harvard.
  • Felicity Jones bilang Dr. Sienna Brooks, doctor na tumulong kay Langdon na tumakas.
  • Omar Sy bilang Christoph Bouchard, pinuno ng grupong SRS.
  • Ben Foster bilang Bertrand Zobrist, isang siyentipiko ng transhumanist, na gustong resolbahin ang problema sa dumadaming populasyon ng mundo.
  • Sidse Babett Knudser Elizabeth bilang Elizabeth Sinskey, pinuno ng  World Health Organization.
  • Irrhan Khan bilang Harry “The Provost”Sims, pinuno ng Consortium, tumutulong kay Zobrist sa kaniyang misyon.
Musika: Hans Zimmer
Sinematograpiya: Salvatore Totino
Taga-ayos: Dan Hanley, Tom Elkins
Taga-pamahagi: Columbia Pictures
Base sa Nobela na: Inferno ni Dan Brown
Bansa: Estados Unidos
Lingguwahe: Ingles
Buod:
Sinusundan ng sikat na symbologist na si Robert Langdon ang mga palatandaan na nauugnay sa dakilang si Dante. Nang magising si Langdon sa ospital ng Italya na may amnesiya, nakipagtulungan siya sa doctor na si Sienna Brooks upang maibalik ang kaniyang memorya. Sa tulong nito naglakbay sila sa buong Europa upang makipaghabulan sa oras at pigilin ang  isang kaaway na nais maghasik ng  mikrobyo na puwedeng pumatay sa populasyon ng mundo.
Pagsusuri:
Sampung taon na mula ng unang pagbidahan ni Tom Hanks ang kilalang si Robert Langdon sa The Da Vinci Code at  nasundan ito ng Angels and Demons.
Ang Inferno ay halaw sa pangatlong libro ni Dan Brown na may kaparehas na pamagat. Ang kuwento ay halos nahahawig sa mga nakaraang mga pelikula na tumatakay sa mga kasaysayan at sabwatang naganap sa mga palaisipang ito.
Si Langdon ay muling tinawag upang magsiyasat ng isang kasaysayan. Ang magagandang gallery, simbahan at palasyo ng Florence, Venice at Istanbul ay tiyak na mgugustuhan ng mga manonood.
Samantalang ang mga nakaraang pelikula ay may mga nakataya sa Kristiyanismo laban sa siyensya, ang Inferno naman ay sumasakop sa lahat ng aspeto. Sa panonood nito para kang sumama sa isang paglalakbay na bumibisita sa mga makasaysayang lugar ng mundo.
Nabigyan nang kakaibang twist ang pelikula ng magising si Langdon sa isang ospital sa Florence na hindi makaalala kung paano siya napunta sa lugar na iyon. Hindi din niya maalala kung bakit may gustong pumatay sa kaniya at kung bakit siya nagkakaroon ng pangitain ng Black Plague. Sinamahan pa ito ng masamang bilyonaryong biochemist  na si Zobrist, at ang Divine Comedy ni Dante na lahat ay kailangan niyang alalahanin.
Hindi lang kailangan na kilalanin niya ang bilyonaryong si Zobrist na gumagawa ng isang kakaibang proyekto kundi pati kung sino ang kaniyang kakampi o kaaway.
Tinulungan siya ng isang doctor na si Felicity Jones na kilala si Langdon at si Dante. Magkasama nilang tinuklas ang mga palaisipan ng kasaysayan sa buong Europa.

Sunday, October 16, 2016

This Time

Petsa nang Pagpapalabas: Mayo 4, 2016
Haba nang Pelikula: 2oras 6minuto
Direktor: Nuel Crisostomo Naval
Kategorya: Drama, Komedya
Panulat ni: Mel Mendoza-Del Rosario
Prodyusers: Viva Films
Bida nang Pelikula: James Reid (Coby Martinez), Nadine Lustre (Ava Buhay), Freddie Webb (Melchor Martinez), Al Tantay (Papa Pards), Candy Pangilinan (Mama Pards), Yam Concepcion (Ate Pards), Donnalyn Bartolome (Mimi), Issa
Taga-pamahagi: Viva Films
Base sa Nobelang: That One Summer ni Alyloony (Wattpad)
Bansa: Pilipinas
Lingguwahe: Tagalog
Buod:
Bata pa lang ay magkaibigan na sina Coby Martinez at Ava Buhay na nagkikita tuwing bakasyon. Ang kanilang pagkakaibigan ay nauwi sa isang romantikong pagtitinginan ngunit hindi nila alam kung ano talaga sila sa isa’t isa. Nang magkolehiyo si Ava nahirapan siya kung ano ang itatawag niya sa kanila ni Coby. Nakakilala siya ng bagong kaibigan sa katauhan ni Aldrin at dito nalaman ni Coby kung ano ang tunay na halaga ni Ava sa kaniya.
Pagsusuri:
Ang This Time ay naiiba sa ibang pelikula na ginawa ng magkasintahang sina James Reid at Nadine Lustre. Magaan ang istorya at nakakaaliw.
Laging masaya si Ava tuwing bakasyon dahil sa panahong ito nakikita niya ang kababatang si Coby. Apo ng ambasador si Coby at sa loob ng 10 taon ganito palaging panahon sila nagkikita kaya nakasanayan na niya ito.
Ito ang unang pelikula nina James at Nadine simula ng maging magkasintahan sila. Nakakilig ang mga eksena nila dito. Lahat ay lumalabas na natural sa kanilang pagarte na magugustuhan ng mga sumusubaybay sa kanila. Mas magaling ang ipinakita nila dito kumpara sa mga nakaraan nilang pelikula. At bilang tunay na magkasintahan inaamin nila na nananabik silang magkita sa araw araw habang nagshoshooting.
Nagpakita ang palabas na ito ng importansiya ng pamilya sa pamamagitan ng hindi pagiwan ni Coby sa kaniyang lolo nung nagkasakit ito kahit miss na miss na niya si Ava. Kailangan unahin ang pamilya kaysa sa pansariling kaligayahan. Samantalang sa kabilang banda ang pamilya naman ni Ava ang tumulong sa kaniya upang malampasan lahat ng pagsubok. Kasama dito ang pagtatago niya sa kaniyang baklang kaibigan upang hindi malaman ng istrikto nitong magulang.
Maliban sa nakakakilig, nakakatawa din ang pamilya ni Ava na pinangunahan ng kaniyang ina na si Candy Pangilinan.
Sa simula pa naging pagsubok na kay Ava ang kanilang pagkakaibigan sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap. Ngunit naging inspirasyon niya ang kaniyang kapitbahay na si Ate Bi na nakita ang kaniyang dating pag-ibig. At ganoon din ang lolo ni Coby  na nawala at muling natagpuan ang kaniyang nag-iisang pag-ibig na si Ofelia sa Japan.
Napakasayang magmahal, kaya kung tagasubaybay kayo ng tambalang Jadine, para sa inyo ang pelikulang ito.