Friday, September 30, 2016

Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli (The Agony and Fury of Hermano Puli)

Petsa nang Pagpapalabas: Agosto 13, 2016 (Cinemalaya Film Festival 2016)
Haba nang Pelikula: 1h 38m
Direktor: Gil Portes
Kategorya: Historical drama
Panulat ni: Enrique Ramos
Prodyuser: T-Rex Entertainment
Bida sa Pelikula: Aljur Abrenica (Hermano Puli), Louisse delos Reyes, Enzo Pineda, Markki Stroem, Kiko Matos, Vin Abrenica, Ross Pesigan and Allen Abrenica
Bansa: Pilipinas
Lingguwahe: Tagalog
Buod:
Si Hermano Puli ay isa sa mga taong lumaban sa hindi pagkakapantay pantay nung panahon ng Espanyol. Siya ay labing walong taong gulang nang simulan niya ang Confradia de San Jose , na isang relihiyosong kapatiran na kumalat sa buong Timog Katagalugan. Labing pito o labing walong taon naman siya nung siya ay nahatulan ng kolonya ng gobyerno.
Pagsusuri:
Sa hindi pagkakasama sa isa sa pinakamalaking  Film festival sa Pilipinas noong nakaraang 2015, napili naman ito bilang panghuling kalahok  sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival ngayong 2016.
Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli ay naglalayong buhayin ang pagkakaPilipino nang mga manonood lalo na ang kabataan. Nagbibigay ito ng kaalaman sa henerasyon ngayon tungkol sa mga bayaning Pilipino na lumaban upang maging malaya ang bansang Pilipinas. Naglalayon ito na ipakita ang paglaban ni Hermano Puli upang magkaroon ng kalayaan sa relihiyon.
Lahat nang mga actor at aktres ay binihisan nang naayon sa panahon ng Espanya at maging kanila pagsasalita at purong tagalog na may halong kaunting Espanyol. Ipinakita din kung paano ang giyera at labanan nung unang panahon.
Sa pelikulang ito pinakilala ang isang nalimot na nang panahon na bayani.  Sa istoryang ito nasalamin na si Hermano Puli ay isang perpektong tao na walang makakapantay. Na kung tutuusin ay hindi makatotohanan sa totoong buhay. Para yung mga nababasa natin sa mga libro na wala silang pagkakamaling nagagawa.
Hindi nabigyang hustisya ni Abrenica ang pagiging Hermano Puli. May mga bahagi o parte nang palabas na hindi mo maintindihan kung para saan o bakit kailangan pang isama sa kabuuan. Ngunit sa huli ang pagkabayani ni Hermano Puli ay naiwan sa manonood at naitatak sa lahat na isa siya sa mga bayaning dapat kilalanin at  lumaban para sa Pilipinas nung unang panahon.

The Infiltrator

Petsa nang Pagpapalabas: Hulyo 13, 2016
Haba nang Pelikula: 2oras 7minuto
Direksyon: Brad Furman
Panulat ni: Ellen Brown Furman
Kategorya: Crime, drama
Produksyon: Paul M. Brennan, Brad Furman, Miriam Segal, Don Sikorski
Bida sa Pelikula: Bryan Cranston (Robert Mazur/Bob Musella), Diane Kruger (Kathy Ertz), Benjamin Bratt (Robert Alcaino), John Leguizamo (Emir Abreu), Amy Ryan (Bonni Tischler), Said Taghmaoui (Amjad Awan), Yul Vazquez (Javier Ospina), Juliet Aubrey (Evelyn Mazur), Joe Gilgun (Dominic)
Mga Kanta: Heavy Loss by Motion cntrl
Musika ni: Chris Haijan
Sinematograpiya: Joshua Reis
Base sa: The Infiltrator ni Robert Mazur
Buod:
Noong 1986, upang pasukin ang grupo ni Pablo Escobar na kilala bilang lider ng droga sa Colombia si Robert Mazur ay nagpanggap bilang isang agent nang gobyerno. Kasama ang mga kapwa agent na sina Kathy Ertz at Emir Abreu, nagpanggap si Mazur bilang isang negosyante na si Bob Musella na kasali sa money laundering. Nakuha niya ang tiwala nang taong pinagkakatiwalaan ni Escobar na si Robert Alcaino at dito nagsimula ang kanyang paghanap sa pinakakilalang kriminal nang bansa.
Pagsusuri:
Ang pelikulang ito ay hango sa tunay na istorya ng isang US na opisyal sa kanyang paghuli sa isa sa pinakamalaking lider ng droga sa kasaysayan nung 1980. Maayos na naipakita ng director na si Brad Furman ang sinematograpiya nang mundo ng narkotiko.
Pinangunahan ito ni Bryan Cranston bilang si Robet Mazur na nagpanggap bilang isang agent para pasukin at ibagsak ang kilalang lider nang droga na si Escobar. Bilang isang negosyante ng money laundering na si Bob Musella nakipagkaibigan siya sa taong kanang kamay ni Escobar na si Roberto Alcaino. Gumanap namang mapapangasawa ni Bob Musella si Kathy na isang ding kapwa agent ni Mazur.
Magaling gumanap si Cranston, ganun din si Kruger bilang supporting role. Ngunit ang pinakamaganda sa lahat ay ang magandang istorya na kaabang abang hanggang sa huli.

Stork

Petsa nang Pagpapalabas: Setyembre 23, 2016
Haba nang Palabas: 1oras 26minuto
Mga Direktor: Nicholas Stoller, Doug Sweetland
Kategorya: Comedy, Adventure, Animation,Fantasy
Panulat ni: Nicholas Stoller
Prodyusers: Brad Lewis, Nicholas Stoller
Boses nang mga Artistang Bida: Andy Samberg (Junior), Kelsey Grammer (Hunter), Jennifer Aniston (Sarah Gardner), Keegan-Michael Key (Alpha Wolf), Jordan Peele (Beta Wolf), Katie Crown (Tulip), Ty Burrell (Henry Gardner), Danny Trejo (Jasper), Stephen Kramer Glickman (Pigeon Toady)
Tagapamahagi: Warner Bros.
Musika nina: Mychael Danna, Jeff Danna
Bansa: US
Lingguwahe: Ingles
Buod:
Ang pinakamalaking kumpanya na Cornerstone.com ay gumagamit nang mga storks sa pagdadala nang mga sanggol. Si Junior ay isa sa pinakamagaling na tagapagdalang stork, at malapit na siyang mapromote, nang biglang hindi inaasahang mapindot niya ang  makina na gumagawa na sanggol at maglabas ito nang isang babaeng sanggol. Dahil sa kaalaman na magiging problema ito sa kanya at sa kaniyang promosyon gumawa sila nang paraan para madala siya sa kanyang bagong pamilya. Kasama ang kanyang kaibigan na si Tulip sumabak sila sa isang paglalakbay na hindi nila malilimutan na magbibigay nang aral sa kanila.
Pagsusuri:
Ano ba ang tamang palabas para sa mga bata ngayon? Yun bang nakakatawa lng, yun bang may makukuhang aral lang? Para sa akin lahat nang palabas na pambata ay pwede ding pangmatanda. O mas tamang sabihin na ang mga palabas na pang bata ay mga pelikula kung saan mararamdaman mo ang pagiging bata habang pinapanood mo. Yung ibabalik ka sa iyong kabataan sa likod nang magulong mundo nang panahon ngayon. Yung kuwento at mga birong ginagamit ay nakakatuwa at hindi nakakasira sa mga nakatatanda. Dahil mga matatanda ang bumibili nang mga tickets para sa mga batang kasama pati ang mga DVD na pinapanood nila. At tayo din ang namimili kung ano ang papanoorin nila kaya nararapat lang na sulit ang pagbili natin nito.
Ang Stork bagaman inaasahan para sa mga bata, ay naging mas akop  na panoorin nang mga  nakatatanda. Ang mga biro ay tanging mga mas nakakatanda at nakakaintindi na lamang ang matutuwa. Mas  tumalakay ito sa pagiging magulang sa isang anak. At ano ang kaya nilang gawin para sa kapakanan ng kanilang mga anak.
Ang pelikulang ito ay mas maiintindihan nang mga matatanda na. Ang hirap kung paano mag-alaga nang isang anak ay naipakita kung paano mas maiintindihan nang iba. Hind ito maiintindihan nang mga bata na wala pang karanasan o wala pa sa hustong gulang para maintindihan ang mga bagay bagay.

I America

Petsa nang Pagpapalabas: Agosto 8, 2016 (Cinemalaya Film Festival 2016)
Direktor: Ivan Andrew Payawal
Kategorya: Drama, Comedy
Panulat ni: Ivan Andrew Payawal
Prodyusers: Victoria Mostoles
Direktor ng Potograpiya: Carlo Mendoza, FCS
Bida sa Pelikula: Bela Padilla (Erica), Rob Rownd (John Berry), Matt Evans (Boyet), Thou Reyes (Whitney), Sheena Ramos (Joan), Joe Vargas (Topet)
Taga-Likha: The Ideafirst Company, Eight Films
Taga-Disenyo: Michael Espanol
Pangalawang Direktor: Easy Ferrer
Tunog: Wildsound
Bansa: Pilipinas
Buod:
Ang I America ay tungkol sa isang pinay/Caucasian na naghahanap nang isang Amerikano sa Olongapo City na pwede makapagbigay sa kanya ng pasaporte at US visa para makapunta ng Amerika at makita ang kanyang ama.
Pagsusuri:
Ang bagong handog ng direktor na si Ivan Payawal na I America ay isang pagbabalik mula sa huling taong pelikula na The Comeback. Kasama niya sa likod ng pelikula sina Carlo Mendoza na namahala sa mga larawan at si Marilen Magsaysay na nakasama na ni Chito Rono sa pelikulang Golden Boy.
Ang pelikulang ito ay binuo ng dalawang mahalagang yugto. Una ang pagkakaalam ni Erica na mayroon siyang kinakapatid sa kanyang ama at hinihiling nitong hanapin niya ang kapatid. At pangalawa ay ang pag-uusap nila ng kanyang ina na sinabi sa kanya na hindi si John ang kanyang tunay na ama. Nagbigay kulay ito sa istorya kasama nang magagaling na artista at direktor nabuo ang isang kuwento kung saan naipakita ang magulong mundo na umiikot kay Erica.

Maraming paikot ikot ang kuwento na hindi mo maintindihan kung saan ba talaga  nakatuon ang istorya. Nabigyang hustisya ni Padilla ang kanyang ginagampanang papel na Erica. Makikita ito sa kanyang mga salita at kung paano ito sasabihin na maaantig ang mga manonood. Tamang tama siya sa karakter nang isang Amerikana na hinanap at natagpuan ang sarili upang buuin ito. Maiiwan ang manonood na nalilito sa mga eksena sa dami ng hinaharap ng bidang artista.

Monday, September 26, 2016

The Magnificent Seven

Petsa ng Pagpapalabas: Setyembre 23, 2016
Haba ng Pelikula: 2oras 13minuto
Direksyon: Antoine Fuqua
Kategorya: Action
Panulat ni: Nic Pizzolatto
Produksyon: Roger Birnbaum, Todd Black
Bida sa Pelikula: Denzel Washington (Sam Chisolm-bayarang mamamatay tao), Chris Pratt (Josh Farraday-magsusugal), Etahn Hawke (Goodnight Robicheaux-magaling bumaril), Vincent D’Onofrio (Jack Horne-tagahanap), Byung-hun Lee (Billy Rocks-tagapatay), Manuel Garcia-Rulfo (Vasquez-Kriminal), Martin Sensmeier (Red Harvest-sundalo)
Sinematograpiya: Mauro Fiore
Musika: James Horner and Simon Franglen
Bansa: United States
Base sa: Seven Samurai ni Akira Kurosawa, Shinobu Hashimoto, Hideo Oguni
Buod:
Si Bartholomew Bogue (Peter Sarsgaard) ay isang sakim na negosyante na naghahanap ng ginto sa lumang bayan ng Rose. Dahil ang kanilang buhay ay nasa panganib, si Emma Cullen kasama ang iba pang residente ay humingi ng tulong kay Sam Chisolm (Denzel Washington) na isang bayarang mamamatay tao. Bumuo ng grupo si Chisolm na lalaban sa kay Bogue at sa kanyang mga tauhan. Kasama ang pitong kawal lumaban sila hindi lang para sa pera kundi para sa bayan.
Pagsusuri:
Ang Magnificient Seven ay hango sa orihinal na pelikula nung 1960 base sa Seven Samurai na sinulat ni Akira Kurosawa nung 1954. Ang lumang pelikula ay tungkol sa mga bandido na pinagtanggol ang isang bayan laban sa mga kaaway nito samantalang ang bagong remake ay tungkol sa terorismo sa isang bayan kaya nabuo ang magnificent seven para lumaban.
Pinangunahan ni Sam Chisolm ang isang grupo na lumaban kay Bogue na ang tanging gusto lamang ay patakbuhin ang bayan nang Rose Creek para sa pagmimina ng kanyang ginto. Ngunit hindi pumayag ang mga residente sa pangunguna ni Emma Cullen at naghahanap sila nang tao na tutulong sa knila.
Ito ay idinerek ni Antoine Fuqua na kilala sa paggawa ng palabas na western ang tema. Pinuno niya ito nang mga eksena na palagi nating napapanood sa mga karaniwang Western na pelikula gaya nang paggamit nang mga tabako, mga taong lumalabas sa pinto nang salon, at mga labanan na lumalabas ang kaaway sa bintana ng salon.
Ang 2016 na bersion na Magnificient Seven ay hinahangaan ng marami dahil sa pagpili nang black actor na si Washington bilang bida sa isang Western na pelikula. Ang 1960 ay kinunan sa Mexico samantalang ang 2016 ay sa hilagangbahagi ng USA.
Tunay na nakakatuwa at nakakaaliw ang istoryang ito lalo at sinamahan pa ng mga karakter na kakaiba at nakakatawa. Maaring mahinuha na ang pelikula ay sumasalamin sa mga lugar na may mga ganitong suliranin at problema.

Barcelona: A Love Untold

Movie Poster Source: Wikipedia

Petsa nang Pagpapalabas: Setyembre 14, 2016
Haba nang Pelikula: 2oras 12minuto
Direktor: Olivia Lamasan
Panulat ni: Olivia Lamasan, Carmi Raymundo
Kategorya: Romance, Drama
Prodyusers: Marizel Samson Martinez
Bida sa Pelikula: Kathryn Bernardo (Mia/Celine), Daniel Padilla (Ely)
Kanta: “I’ll Never Love This Way Again” ni Gary Valenciano
Taga-pamahagi: Star Cinema
Sinematograpiya: Hermann Claravall
Patnugot ni: Marya Ignacio
Bansa: Pilipinas
Lingguwahe:  Tagalog
Buod:
Nag-aaral si Ely sa Barcelona para makalimutan ang kanyang nakaraan. Upang makuha ang kanyang masters degree nagtratrabaho siya habang nag-aaral. Samantalang si Mia ay pumunta nang Spain para makapagsimula muli. Sa dami nang kanyang mga pagkakamali na nagawa sa kanyang buhay umalis siya nang Pilipinas upang simulan ang kanyang buhay sa ibang lugar. At dito magtatagpo ang landas nina Mia at Ely at kung paano nila haharapin ang problema na dala ng nakaraan, habang muling binubuo ang kani-kanilang pagkatao.
Pagsusuri:
Sa mga nakaraang mga buwan dumarami ang mga pelikula na kinukunan sa ibang bansa gaya nang Imagine You and Me ng Aldub sa Italya, ang This Time nang Jadine sa Japan at ngayon ang Barcelona nang Kathniel na kinunan pa sa Espanya.
Ang Barcelona: a Love Untold ay ang muling pagbabalik pelikula nang sikat na tambalan na Kathniel at ang unang pelikula nila sa ilalim nang magaling na direktor na si Olivia Lamasan.
Layunin nang pelikulang ito na ipakita kung hanggang saan na ang kayang ibigay nang Kathniel sa pagarte na hinasa nang limang taon nilang pagsasama. Gusto nilang  ipaabot na malayo na sila sa mga pacute at pagiging inosente na pelikula at kaya na nila humawak nang mas mataas na lebel na mga karakter.
Si Ely ay pumunta nang Barcelona upang kumuha nang master degree nang kanyang kursong arkitektura. Habang nandoon siya kumuha siya nang tatlong trabaho upang masustentuhan ang kaniyang pag-aaral at ang kaniyang pamilya sa Pilipinas. Nakatira siya sa kanyang tita at sa anak nito, kahit alam niya na nasa Barcelona din ang kanyang tunay na ina na napakayaman.
Nakilala ni Ely si Mia na pumunta sa Espanya upang takasan ang kanyang mga problema sa Pilipinas. Ngunit nahirapan siya pagdating niya sa Barcelona dahil hindi siya sanay sa mahihirap na trabaho bilang isang OFW. Gusto na sana niyang sumuko ngunit tinulungan siya ni Ely.
Maraming isyu sa pelikulang ito maliban sa problema ni Ely sa kanyang ina, problema din niya ang huling naging karelasyon na hindi inaasahan na kamukha ni Mia.
Masyado madrama ang palabas na ito na halos hindi na masundan ang tunay na kuwento. May kani kanyang isyu ang bawat karakter na mas lalo nakakapagpalito sa daloy nang buong pelikula.
Sumalamin din ito sa tunay na buhay na pagiging isang OFW sa ibang bansa. Ang hirap na pinagdadaanan nila hindi lamang sa kanilang trabaho sa isang malayong bansa na ibang iba ang kultura kumpara sa Pilipinas kundi  pati ang emosyonal at pinansiyal na pangangailangan nang kanilang pamilya sa Pilipinas.
Pinakita din dito ang ganda nang Barcelona at pinasilip ang matayog na Sagrada Familia. Tamang tama para sa mga nag-aabang na Kathniel fans.
Nailabas ni Direk Lamasan ang galing sa pag arte ni Daniel Padilla. Ang kaniyang nangungusap na mga mata at mga kilos ay kitang kita ang husay at pagiging mature sa mga eksena. Samantalang si Kathryn ay nagkukulang pa din sa lalim at emosyon para maging isang mahusay na aktres.

Sunday, September 25, 2016

Camp Sawi

Petsa nang Pagpapalabas: Agosto 24, 2016

Haba ng Pelikula: 1oras 45minuto

Direktor: Irene Villamor

Panulat ni: Irene Villamor

Kategorya: Romance, Comedy

Prodyusers: Joyce Bernal, Bela Padilla

Bida sa Pelikula: Arci Muñoz (Gwen), Yassi Pressman (Jessica), Bela Padilla (Bridgette), Andi Eigenmann (Clarisse), Kim Molina (Joan), Sam Milby (Louie/Camp Master)

Ipinamahagi nang: Viva Films

Bansa: Pilipinas

Lingguwahe: Tagalog

Paboritong Linya: “Mababaw lang naman ang standards ko. Wala akong ibang gusto, kundi ang mahal ko.”

“Parang LOVE lang yan. Walang Safety-ness.” 



Buod:

Limang kababaihan na sina Gwen (Arci), Bridgette (Bela), Jessica (Yassi), Clarisse (Andi) at Joanne (Kim) ang pumasok sa isang camp na kilala sa tawag na Camp Sawi. Lahat sila ay brokenhearted at bilang mga miyembro kailangan nilang tulungan ang isa't isa, sa  ilalim nang pamamahala nang camp chef at head coach na si Louie (Sam Milby).

Pagsusuri:

Ang Camp Sawi ang pinakabagong handog ng Viva films na pinangungunahan nina Bella Padilla, Arci Munoz, Yassi Pressman, Andi Eigenmann, Sam Milby at Kim Molina. Hindi talaga ako masyadong nanonood nang mga malulungkot na pelikula. Siguro masyado akong positive na tao kaya hindi ako nakukuha nang mga linya na ginagamit sa mga ganitong palabas ngunit binigyan ko pa rin nang pagkakataon ito dahil kakaiba ang trailer na aking napanood.

Ang Camp sawi ay tungkol sa mga taong gustong magmove on sa kani-kanilang dating karelasyon at nagpunta sa camp upang gamutin at kalimutan ang kanilang sakit na nararamdaman. Pinakita dito kung paano mawawala, gagamutin at tatanggalin ang sakit sa kanilang mga puso at paano mabuhay araw araw habang inaayos ang sarili. Mararamdaman mo na lang na parang hinahanap mo kung sino ka sa mga babaeng ito at kaninong karakter ka nakakapareho.

Inabot ng halos dalawang oras ang pelikula na parang isang libro na naghihintay ka nang kahihinatnan nang bawat isang karakter. Kada sitwasyon nang bawat isa ay kakaiba at kumplikado sa iba’t ibang paraan. Lahat nang bidang babae ay nabigyan na kani kanilang partisipasyon sa pelikula at tiniyak din nang director na sapat ito sa lahat nang bida.

Kung ang mga karelasyon mo dati ay hindi puno nang mga masasayang alaala maaring may mali sa inyong relasyon. Ngunit kung iisipin mo na ang isang relasyon ang siyang kukumpleto sa iyong pagkatao, ikaw ay mabibigo lamang at iyan ang pinakita sa palabas na ito na nangyari sa mga karakter. Tatanungin mo na lang ang iyong sarili kung bakit hindi parin ikaw ang kaniyang pinili kahit masaya naman siya sayo. Hanggang sa hanapin mo ang sagot kung bakit nga ba? 

Naipakita ni Bella ang kaniyang galing sa pagarte sa palabas na ito. Maganda din ang karakter na ginapanan ni Arci Munoz. Nakakatuwa si Andi dito kasi sa huli nalaman niya kung ano ang tama para sa kaniya, kung ano ang nararapat at ang pinakamahalaga natuto sa kaniyang pinagdaanan. Sina Yassi at Kim ay nagpakita nang kakaibang galing sa pagganap ngunit mas nangibabaw si Kim kasi damang dama mo sa pelikula ang sakit na kaniyang nararamdaman. 

Ito ang klase ng pelikula na magugustuhan nang lahat. Walang pagkukunwari. Walang pabida. At higit sa lahat isang palabas na gusto lamang magkuwento.

Saturday, September 24, 2016

Tuos (The Pact)

Petsa ng Pagpapalabas: Agosto 8, 2016 (Cinemalaya Film Festival)
Haba ng Pelikula: 1oras 17minuto
Direksyon: Roderick Cabrido
Panulat: Denise O’Hara
Kategorya: Filipino art drama
Produksyon: Joseph Israel Laban, Ferdinand Lapuz
Bida sa Pelikula: Nora Aunor (Pina-ilog), Barbie Forteza (Dowokan), Ronwaldo Martin (Dapu-An), Elora Españo (Anggoran), Flor Salanga (Mayhuran)
Musika ni: Jema Pamintuan
Sinematograpiya: Mycko David
Bansa: Pilipinas
Buod:
Si Pina-ilog ay nakatira sa isang maliit na nayon sa kabundukan ng Antique. Siya ang “Binukot” na pinili nung kanyang kabataan sa lahat ng babae sa kanilang nayon. Nakakulong siya sa loob ng kanyang bahay at ang kanyang ulo ay palaging may takip na belo, pinagbabawalan siyang lumabas o magtrabaho sa bukid. Iginagalang siya at nirerespeto sapagkat siya ang nangangalaga ng kanilang kultura, isinasaulo niya ang kanilang mga kanta at ipinapalabas eto tuwing may espesyal na okasyon. Lumipas ang mga panahon at ang pagkakaroon ng “Binukot”ay unti unting naglalaho. Wala nang may gusto maging “Binukot” khit si Dowokan na anak ni Pina-ilog. Gusto ni Dowokan na maging malaya, matuto at umibig na hindi sinang ayunan ni Pina-ilog dahil siya ang nakatakda na susunod sa kaniya. Gusto ni Pina-ilog na buhayin ang kanilang mga tradisyon kasama ang kaniyang obligasyon sa kanyang mga kanayon na  pangalagaan ang kanilang kultura at maging tagabantay laban sa mga masamang elemento. Si Dowokan ang napiling magmana at mangalaga ng kanilang tradisyon at kultura para sa susunod na henerasyon. Ngunit umibig si Dowokan sa isang lalaki na naglagay sa kanya at sa knilang nayon sa kapahamakan. Lumaban si Pina-ilog para mabuhay si Dowokan ngunit lumaban siya sa multo ng kanilang tradisyon na nagkukulong sa kanya.
Karagdagang Impormasyon Tungkol sa Pelikula:
- Ang Tuos ay nagwagi na Best Cinematography, Best Production Design, Best Original Musical Score, Best Sound, Audience Choice Award sa Cinemalaya 2016 Awards
Pagsusuri:
Hindi man natin palaging nakikita sa mga malalaking pelikula si Superstar Ms. Nora Aunor, busy naman siya sa mga indie films. Dalawang pelikula kada taon ang nagagawa niya simula nung ginawa niya ang “Thy Womb”nung 2012. At palagi itong inaabangan ng mga manonood.
Bilang si Pina-ilog kakaunti lang ang naging linya ni Nora Aunor. Bilang mahinang babae na palaging nasa higaan o nakasakay sa basket ang kanyang pagkilos ay kontrolado at limitado. Ang kaniyang pagganap ay pinakita niya sa ekpresyon ng kanyang mukha at mata. Minsan akala natin hindi siya ang bida ngunit sa huli napagtanto natin na siya nga.
Maraming eksena si Barbie Forteza sa pelikulang ito. Maganda at epektibo ang kanyang mga pagganap bilang si Dowokan sa mga emotional scenes nila ni Ms. Aunor. Si Forteza ay nakilala sa kanyang pag ganap bilang anak ni Ricky Davao na si Mariquina nung nakaraang Cinemalaya 2014.
Pinagmamalaki ng pelikulang ito ang napakagandang sinematograpiya ni Mycko David. Mula sa simula na nagpakita ng maberdeng kapaligiran, asul na langit at katubigan hanggang sa kung paano bumababa mula sa bundok ang tribo papunta sa kabayanan.
Ang pagkanta ni Bayang Barrios ay napakagaling at tamang tama para sa pelikula. Thumbs up para kay Direk Cabrido para sa paggawa ng isang palabas na tumatalakay sa kakaibang kultura.

Friday, September 23, 2016

Imagine You and Me

Petsa ng Pagpapalabas: Hulyo 13, 2016
Haba ng Pelikula: 2oras
Direksyon: Mike Tuviera
Kategorya: Komedya, Romance
Panulat: Aloy Adlawan, Renato Custodio
Prodyusers: Antonio P. Tuviera, Annette Gozon-Abrogar, Marvic Sotto
Bida sa Pelikula: Alden Richards (Andrew Gracia), Maine Mendoza (Gara)
Pinamahagi ng: APT Entertainment
Kanta: Imagine You and Me by Maine Mendoza
Bansa: Pilipinas
Buod:
Si Gara (Maine Mendoza) ay isang hopeless romantic na Overseas Filipino Worker (OFW) na napakaraming trabaho sa Italya para suportahan ang kaniyang pamilya. Si Andrew (Alden Richards), ay isang heartbroken medical student na nakatira sa kanyang madrasta. Siya ay hindi naniniwala sa kapalaran. Ngunit nang magkrus ang kanilang landas ni Gara ang kanilang magkaibang pananaw ay magbabago at duon magsisimula ang isang kakaibang pagibig.
Pagsusuri:
Ang Imagine You and Me ay ginawa para kina Alden Richards and Maine Mendoza na may istorya tungkol kina Andrew at Gara na naghahanap ng tunay na pagibig. Nang magtagpo sila sa Como, Italy, maraming pagsubok ang kanilang naranasan.
Si Gara ay palaging nangangarap na mgkakaroon ng espesyal na lalaki sa kanyang buhay. Ang paghahanap niya ng true love ay dahil sa pagiging nbsb niya or no boyfriend since birth. Nagpunta siya ng Italya para matulungan ang kanyang pamilya at dito niya nakilala si Andrew. Pareho silang brokenhearted nang magkakilala sila.
Pinakita nang pelikula ang napakagandang paraiso ng Italya,kasama ang magagandang lugar at tanawin ng Como. Tamang tamang lokasyon eto  sa unang romantikong pelikula ng Aldub.
Imagine You and Me ay isang rom-com na palabas ngunit entertaining ito at wholesome. Ang karakter ni Maine ay tamang tama sa kanya dahil sanay naman siya sa pagpapatawa. Ngunit sa mga dramatic scenes hindi pa siya masyado at ease.
Dahil sa hirap na pinagdaanan ni Andrew, mas maganda sana kung mas nabigyan pa siya nang madaming eksena. At dahil talented naman siya mas madami siyang maibibigay pa. Pero bumawi naman siya sa mga huling parte ng pelikula.
Nakakatuwang panoorin ang magandang chemistry nina Alden at Maine sa big screen. Light romance lang ang pelikula ngunit kakaiba ang istorya ng bawat karakter.
Sina Kakai Bautista at Cai Cortez ay mga kaibigan ni Gara na typical sa mga nagtratrabho sa ibang bansa. Ang kanilang samahan ang nagbigay ng kulay at saya sa mga nangungulilang OFW.
A thumbs up to Direk Mike Tuviera sa napakagandang  at napakasayang pelikula na handog ng Aldub sa lahat ng mga fans nila. Siguro isustain pa ang momentum ng Aldub, isa pang follow up movie?