Sunday, January 29, 2017

Mang Kepweng Returns: Movie Review

Theater Movie Poster

Petsa nang Pagpapalabas: Enero 4, 2017
Haba nang Pelikula: 1oras 47minuto
Direktor: Giuseppe Bede Sampedro
Kategorya: Komedya
Istorya ni: GB Sampedro, Volta delos Santos
Panulat ni: Volta delos Santos
Prodyusers: Patrick F. Meneses, Ladylyne S. De Guzman
Bida nang Pelikula:
  • Vhong Navarro bilang si Kiefer/Mang Kepweng – itinakdang magmana ng mahiwagang bandana, nakakapagpagaling ng may sakit at sinasapian ng masasamang ispiritu.
  • Kim Domingo bilang si Allysa – iniibig ni Mang Kepweng.
  • Jacklyn Jose bilang si Milagros – mapag-arugang ina ni Kiefer/Kepweng.
  • Sunshine Cruz bilang asawa ni Zacharias – sinapian ng masamang ispiritu na pinagaling ni Kepweng.
  • James Blanco bilang si Zacharias – kapatid sa ama ni Kepweng sa ama at isang mabait na doktor
  • Louise delos Santos - kapatid ni Sunchine Cruz.
  • Juancho Trivino – kaibigan ni Kepweng.
  • Pen Medina bilang si Ingkong Kapiz – isang masamang albularyo na gusting patayin si Kepweng.
  • Jackie Rice bilang si Prinsesa Alisandra – prinsesa na nangangalaga sa bandana at aklat ng karunungan.
  • Valeen Montenegro bilang Rachel – balat kayo ni Ingkong kapiz na ginamit panlaban kay Kepweng.
  • Jhong Hilario – balat kayo ni Ingkong Kapiz na ginamit panlaban kay Kepweng.
Musika ni: Carmina Cuya
Taga-ayos: Tara Illenberger, Geoffrey William
Taga-pamahagi: Cineko Productions, Viva Films
Bansa: Pilipnas
Lingguwahe: Tagalog, Filipino
Buod:
Isang mabait at may takot sa Diyos si Kiefer. Inalagaan siya at inaruga ng kaniyang ina. Ngunit madalas na silang guluhin ng masamang albularyo upang patayin si Kiefer. Kung kaya napagpasyahan ng kaniyang ina na ipagtapat ang tunay niyang katauhan. Si Kiefer ay anak ni Kepweng na isang kilalang magaling na albularyo. Kapatid niya sa ama si Zacharias na isang doktor. Ang asawa ni Zacharias ay may sakit na hindi niya mapagaling galing, kung kaya sinubukan niyang gamitin ang mahiwagang bandana ng kaniyang ama ngunit hindi nito napagaling ang kaniyang asawa. Hanggang malaman niya na may kapatid siya sa ama na si Kiefer. Sinabi ng isang engkantanda sa ina ni Kiefer na siya ang itinakdang magmana ng mahiwagang bandana kung kaya noong sinubukan niyang gamitin at pagalingin ang asawa ng kaniyang kapatid ay gumaling ito. Mula noon ginamit ni Kiefer ang bandana at naging Mang Kepweng. Pinagaling niya ang mga may sakit at pinaalis ang mga masasamng ispiritu ng walang hinihinging kapalit. Ngunit patuloy silang ginugulo ng masamang albularyo na si Ingkong Kapiz. Ginamit pa niya ang nagugustuhan ni Kepweng na si Allysa upang patayin ito. Ngunit hindi siya nagtagumpay sa kaniyang maitim na balak.
Pagsusuri:
Ang pelikula ay kasabay na ipinalabas sa kaarawan ng bida nitong si Vhong Navarro. Si Navarro ay si Mang Kepweng na dating ginampanan din sa pelikula ni Chiquito.
Simple lang ang kuwento masyado lang madaming paligoy-ligoy upang pahabain lang ito. Madaming eksena ang hindi naman kinakailangan at hindi na din nakakatulong sa palabas. Kung kaya lumabas na nakakainip at mabagal ang istorya.
Natural ng nakakatawa si Navarro ngunit halos parang siya lang ang nagbubuhat ng buong pelikula upang maging katawa tawa na minsan nagiging trying hard na at hindi nakakatuwa.
Masyado na din common ang mga paraan ng pagpapatawa na hindi na bago sa manonood.
Hindi man ganoong kabihasa sa pagpapatawa si Jose ay pumilit naman siyang tumulong kay Navarro sa mga eksena ng pagpapatawa. Sa baguhang si Domingo hindi siya masyadong naramdaman sa pelikula.
Walang bago sa kuwentong ito isang simpleng kuwento na nais lang magpasaya.

Thursday, January 26, 2017

Official Poster: Swipe

Isang dating application ang gugulo sa buhay ng anim na bida ng pelikulang 'Swipe' sa ilalim ng direksyon ni Ed Lejano na mapapnood na sa lahat ng sinehan sa Pebrero 1, 2017.

Makikita sa theater poster nito ang sexy imahe ni Meg Imperial na nangangahulugang maaring may pagkadaring at mature content ang pelikula. 



Si Imperial ay sasamahan nina Luis Alandy, Maria Isabel Lopez, Gabby Eigenmann, Alex Medina at Mercedes Cabral.

Ating tuklasin ang buhay at kung paano binago ng dating application ang kani kanilang pagkatao. Panoorin ang 'Swipe', handog ng Viva Films, Aliud at Ledge production companies.

Wednesday, January 18, 2017

Miho at Tommy: Foolish Love Movie

Inihahandog ng Regal Films Entertainment ang unang romantic movie ng taon ang 'Foolish Love' sa ilalim nang batikang direktor na si Joel Lamangan. Ito ay mapapanood na sa Enero 25, 2017 sa lahat ng sinehan.

Ito ay kuwento ng tatlong babae na umibig sa magkakaibang sitwasyon. Una ang babaeng feelingera na pangungunahan ni Miho Nishida at Tommy Esguera kung saan yayain si Nishida ni Esguera magpakasal pagnakatapos na siyang mag-aral. Pangalawa naman ay ang pa-martir na pagbibidahan ni Kai Cortez kung saan naging martir siya sa kaniyang asawang nambabae. At ang huli sa unang daring role ni Angeline Quinto bilang ang ang sawing babae na naghahanap ng tunay na pag-ibig sa katauhan ni Jake Cuenca.

Ito ay para sa lahat nang nababaliw sa tinatawag na LOVE.

Sunday, January 15, 2017

Mano Po 7: Chinoy – Movie Review

Theater Movie Poster
Petsa nang Pagpapalabas: Disyembre 14, 2016
Haba nang Pelikula: 1oras 57minuto
Direktor: Ian Loreños
Kategorya: Drama
Prodyusers: Regal Entertainment
Bida nang Pelikula:
  • Richard Yap bilang si Wilson Wong Sr. – isang magaling na Chinese businessman at palaging walang oras sa kaniyang pamilya, ama nina Wilson, Caroline at Catherine, asawa ni Debbie.
  • Jean Garcia bilang si Debbie Wong – asawa ni Wilson, may-ari ng isang jewelry shop at butihing ina sa kanilang mga anak.
  • Janella Salvador bilang si Carol Wong – gustong maging singer ngunit kinuha ang pag-aaral ng cielo dahil ito ang gusto ng kniyang ama.
  • Enchong Dee bilang si Wilson Wong Jr. – addict na anak ni Wilson na pumasok ng rehabilitation upang magpagaling.
  • Marlo Mortel bilang si Henry – kaklase ni carol sa iskuwelahan.
  • Jessy Mendiola bilang si Jocelyn Lee – nakasama ni Wilson Jr. sa rehabilitation at naging fiancée nito.
  • Jana Agoncillo bilang si Catherine Wong – bunsong anak ni Wilson Sr.
  • Eric Quizon bilang si Jason Wong – kapatid ni Wlison Sr. na gay.
  • Jake Cuenca bilang si Marco – customer ni Debbie sa Jewelry shop na naging close sa kaniya.
  • Kean Cipriano bilang si Denver – propesor ni Carol sa pag—aral ng cielo.
Taga-pamahagi: Regal Entertainment
Bansa: Pilipinas
Lingguwahe: Filipino, English, Chinese
Buod:
Isang successful businessman si Wilson Wong Sr. may mapagmahal na asawa at mga anak. Ngunit sa papel ng pagiging ama at asawa ay nabigo siya. Ito ang naging dahilan ng maraming conflict sa kaniyang pamilya. Nagkaroon ng malapit na kaibigan ang kaniyang asawa na naging dahilan ng kanilang paghihiwalay. Si Wilson Jr. ang panganay na anak ay naging addict at pinasok sa rehabilitation na nakilala niya naman ang kaniyang fiancée na si Jocelyn. Samantalng si Caroline ay hinarass ng kaniyang propesor sa cielo, mabuti na lang pinagtanggol siya ni Henry ang kaniyang kaklase. Unti unting nagbago ang ugali ni Wilson Sr. at sinikap na maging mabuti sa kaniyang pamilya upang subukang ayusin to.
Pagsusuri:
Isa ang pelikulang ito sa hindi nakapasok sa MMFF 2016 kung kaya napagpasyahan na ipalabas ng mas maaga sa mga sinehan. Ito ay kuwento ng isang tipikal na pamilyang Chinese na sinubok ng maraming problema.
Punong puno ang bawat eksena ng maraming pangyayari tungkol sa bawat isang miyembro ng pamilya ni Wong. Pinatas at sunod na sunod na naipahayag ito na hindi naguguluhan ang mga manonood. Ngunit may mga parte na bitin at parang nanghuhula ka sa kung ano bang kinahinatnan nito. Kagaya na lamang nung naharass si Carol, halos wala ng sunod na pangyayari kung ano bang kinalabasan ng eksenang iyon. Naiwan kang nagtatanong at nanghuhula. Ngunit ang mga aral ay maayos pa din nailahad ni Loreños.
Simple lang yung script. At may ilang mga linya na nagamit upang mas maipaabot ang mensahe sa mga manonood ngunit walang tumatak na linya na maalala mo. Walang maemosyong dayalogo na palagi mong maalala para sa pelikulang ito.
Maayos na nagampanan ni Yap ang papel ng isang Wilson lalo na sa pisikal na kaanyuan at pananalata, halatang ang dugo ng isang Chinese. Hindi din matatawaran ang galing ng batikang actress na si Jean Garcia na tiyak mararamdamn mo ang lahat sa bawat buka niya ng kaniyang bibig. Kaunting training pa para kina Mendiola, Dee at Salvador. Kulang pa ang emosyon na naibigay nila upang mas maramdaman sila sa pelikula.
Nakatulong din sa pelikula ang magandang lugar ng Taiwan na mas nakapagparamdam ng buhay Tsinoy.
Sa kabuuan maraming aral ang naibigay ng palabas na ito. Ngunit ito yung pelikula na hindi mo na ulit uuliting panoorin pa. Ang isang beses ay sapat na.

Thursday, January 12, 2017

Kimi no na wa (Your Name): Movie Review

Theater Movie Poster
Petsa nang Pagpapalabas: Disyembre 14, 2016


Haba nang Pelikula: 1oras 47minuto

Direktor: Makoto Shinkai

Kategorya: Japanese anime

Prodyusers: Noritaka Kawaguchi, Genki Kawamura

Panulat ni: Makoto Shinkai

Bida nang Pelikula: 
  • Ryunosuke Kamiki bilang boses ni Taki Tachibana – Isang binata na nakatira sa Tokyo, nag-aaral sa Jingu high School at nagtratrabaho sa isang Italian restaurant, nakakapalit katawan ni Mitsuha.
  • Mone Kamishiraishi bilang boses ni Mitsuha Miyamizu – isang dalagang nakatira sa isang maliit na bayan ng Itomori, gusto nang makatapos ng high school at magpunta sa Tokyo, anak ng mayor, nakakapalit katawan ni Taki.
  • Aoi Yuki bilang boses ni Sayaka Natori – kaibigan ni Mitsuha at miyembro ng broadcasting team sa kanilang paaralan.
  • Ryo Narita bilang boses ni Katsuhiko Teshigawara – kaibigan ni Mitsuha at magaling gumawa ng mga bomba.
  • Nobunaga Shimazaki bilang boses ni Tsukasa Fujii – kaibigan ni Taki.
  • Kanon Tani bilang boses ni Yotsuha Miyamizu – bunsong kapatid ni Mitsuha.
  • Kaito Ishikawa bilang boses ni Shinta Takagi – kaibigan ni Taki.
  • Masami Nagasawa bilang boses ni Miki Okudera – kasamahan sa trabaho ni Taki sa Italian restaurant at kaibigan din nito.
Base sa: Your Name ni Makoto Shinkai

Musika ni: Radwimps

Sinematograpiya: Makoto Shinkai

Kumpanya ng Produksyon: Comix Wave Films

Taga-pamahagi: Toho Co.Ltd

Bansa: Japan

Lingguwahe: Japanese, subtitle (English)

Buod:

Si Mitsuha ay anak ng mayor sa maliit na bayan ng Itomori. Ayaw na ayaw niya sa mga pinagagawa sa kaniya ng kaniyang lola. Gusto na niyang magtapos sa high school at magpunta sa Tokyo upang doon mag-aaral. Ngunit isang araw nagising na lamang siya sa ibang katawan at sa katawan ng isang lalaki. Nagulat siya noong una dahil hindi niya alam ang gagawin at nasa hindi pamilyar na lugar siya. Napunta si Mitsuha sa Tokyo kung saan nakatira si Taki. Nagkapalit sila ng katawan ng binata. Nang malaman nina Taki at Mitsuha na nagkakapalit sila ng katauhan, naisip nilang gumawa ng isang diary tungkol sa nangyayari sa kanilang dalawa upang pagbumalik na sila sa kani-kanilang katawan ay alam nila ang nangyayari. Isang araw biglang natigil ang pagpapalit ng katawan nina Taki at Mitsuha. Nagtaka si Taki kung kaya hinanap niya ang lugar nina Mitsuha kung saan napag-alaman niya na namatay na pala ang dalaga tatlong taon na ang nakakalipas dahil sa isang pagsabog na gawa ng isang Comet sa lugar na iyon. Hindi matahimik si Taki sa kaniyang nalaman kung kaya bumalik siya sa lugar kung saan nag-alay siya ng sake noong nasa katawan pa siya ni Mitsuha. Muling bumalik siya sa nakaraan isang araw bago maganap ang trahedya ng pagsabog at dito bumuo siya ng plano upang iligtas sina Mitsuha.

Pagsusuri:

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nanood ako ng isang Japanese anime movie. At hindi naman ako binigo ng magandang istorya ng pelikula.

Maayos na naipakita ng direktor ang kuwento sa mga manonood. Medyo confusing yung una bahagi kasi hindi mo maintindihan ang nangyayari ngunit madali itong naipaintindi sa mga manonood. Ang bilis ng phasing at magpapalit ng pokus ng kuwento.

Binuo ng manunulat ang pelikula na naglalaman ng dalawang bahagi at dalawang mundo. Ang unang bahagi ay ang misteryosong pagpapalit ng katauhan ng dalawang bida sa isang hindi malamang kadahilanan. At ang pangalawa ay ang pagliligtas ng dalawang bida sa isang maliit na bayan sa pagkasawi ng kanilang mga mamamayan. Binuo din ng dalawang magkaibang mundo ang palabas, ang mundo ni Mitsuha sa bayan ng Itomori at ang mundo ni Taki sa Tokyo. Ang ganda lang ng konsepto na naibahagi ng sumulat, magaling siyang bumuo ng isang kuwentong hindi mo inaasahang mabubuo sa imahinasyon ng isang magaling manunulat. Ang pagsasama ng dalawang tao sa magkaibang lugar ay tunay na naiiba at nakakapuno ng kuryosidad na panoorin.

Ang sinematograpiyang binahagi ay tiyak na kapapanabikan at kagigiliwang tingnan ng mga manonood. Isang tanawin at buhay na kaiba sa kinasanayan nating maingay at magulong lugar. Yung pagkakadrawing ng mga lugar ay parang totoo at isang lugar na hahanap hanapin mo.

Pupunuin ng pelikula ito ang inyong imahinasyon at kuryosidad sa mga bagay bagay. Maaring ito’y totoo o kathang isip lamang ng may akda. Ngunit tiyak na kapupulutan ng aral at kasisiyahan ito ng lahat.

Thursday, January 5, 2017

Enteng Kabisote 10 and the Abangers: Movie Review

Theater Movie Poster

Petsa nang Pagpapalabas: Nobyembre 30, 2016

Haba nang Pelikula: 1oras 50minuto

Direktor: Marlon N. Rivera, Tony Y. Reyes

Kategorya: Pantasya, Komedya

Prodyusers: Orly Ilacad, Marvic Sotto

Bida nang Pelikula:
  •  Vic Sotto bilang si Enteng Kabisote – mortal na tao at dakilang tagapagligtas ng Engkantasya.
  • Epy Quizon bilang si Dr. Kwak Kwak – kalaban na gustong sirain ang mundo sa pamamagitan ng isag game application.
  • Oyo Sotto bilang si Benok Kabisote – anak ni Enteng na isang engkantado na naging NBI sa mundo ng mga tao.
  •  Jose Manalo bilang si Lola Tinidora/Tini – isang OEW at may kapangyarihan na kumilos ng mabilis.
  • Wally Bayola bilang si Lola Nidora/Nini – isang OEW at may kapangyarihan na maging malakas ang boses.
  • Paolo Ballesteros bilang si Lola Nidora – isang OEW at may kapangyarihan na kontrolin ang isipan ng mag lalaki.
  • Kakai Bautista bilang si Puring/Ora/Oring – isang OEW at may kapangyarihan na makita ang hinaharap.
  • Jerald Napoles bilang si Lucas – isang OEW at may kapangyarihan na maging malakas.
  • Jelson Bay bilang si Remy – isang OEW at may kapangyarihan na gawing plantsa ang kaniyang mga kamay.
  • Sinon Loresca Jr. bilang si Bistika – isang OEW at may kapangyaraihang maging invisible.
  • Ryzza mae Dizon bilang Bubu – anak ni Remy.
  • Alonzo Muhlach bilang si Benokis Kabisote – anak ni Benok.
  • Bea Binene bilang si A2 – gumawa ng Slashman application game.
  • Ken Chan bilang si A1 – katulong ni A1 sa paggawa ng Slashman application game.
  • Ryza Cenon bilang asawa ni Benok.
Base sa: Okay ka, Fairy Ko

Taga-pamahagi: OctoArts Films, M-Zet Productions, APT Entertainment

Bansa: Plipinas

Lingguwahe: Tagalog, Filipino

Buod:

Ginamit ng masamang si Dr. Kwak Kwak ang larong Slashman upang maghasik ng kasamaan sa mundo. Ngunit ang kaniyang kapangyarihan ay hindi sapat upang magamit ito ng lubos. Kaya kailangan niyang hanapin ang pitong OEW o Outcast Enkantasia Workers upang gamitin at kunin ang kapangyarihan ng mga ito. Ngunit hindi ito natuloy dahil tinulungan sila ni Enteng Kabisote sa paglaban sa kasamaan.

Pagsusuri:

Muling nagbabalik si Vic Sotto sa isa na namang pelikula ng pantasya at komedya na ‘Enteng Kabisote 10 and the Abangers’. Sinamahan pa siya ng pitong magagaling na komedyante sa pangunguna ng mga Lola sa sikat na kalye serye ng Eat Bulaga.

Nagsimula ang kuwento sa kagustuhang gamitin ni Dr. Kwak Kwak ang kapangyarihan ng pitong OEW upang maghasik ng kasamaan at sa tulong ni Enteng tinulungan niyang hindi ito magtagumpay.

Mas dinagdagan pa nina direktor Reyes at Rivera ang aasahan sa isa na namang installment ni Bossing na hango sa sikat na ‘Okay ka, Fairy ko’. Dumami ang mga cast at nagbigay daan din upang maglabas ng panibagong kapangyarihan si Kabisote. Mabilis ang paglalahad ng kuwento at hindi ito nakakainip. Ngunit hindi ito napuno ng komedya kagaya ng mga nakaraang pelikula.

Maraming pagpapaalala at pangangaral ang karamihan sa linya sa palabas na ito. Nagpapakita lamang na ang kanilang pelikula ay hindi lang basta nagpapatawa kundi nagpapaalala sa lahat ng tao na lahat ng labis ay masama. Bagaman hindi ganoong nakakatawa matutuwa pa din ang mga bata dahil sa mga kakaibang kapangyarihan na handog nito.

Natural pa din kay Sotto ang pagpapatawa ngunit karamihan sa kaniyang mga punchlines ay hindi na bago kaya hindi na ganoong nakakatawa. Pero saludo pa din kay Bossing sa walang sawang pagpapakita ng mga kakaibang kuwento ng pantasya. Tunay ngang nag-iisa lang ang Vic Sotto ng industriya ng pelikulang Plipino. Nakakatuwa din ang pitong Abangers na mas nakadagdag ng katuwaan sa buong kuwento.

Nakatulong din bagaman halos walang kaugnayan ang magandang lugar ng Bohol na isinama sa pelikula. Sa kabuuan tiyak na katutuwaan ito ng mga bata.

Ating tulungan at puksain ang masamng si Dr. Kwak Kwak sa ‘Enteng Kabisote 10 and the Abangers’.

Sunday, January 1, 2017

Vince & Kath & James: Movie Review

Theater Movie Poster

Petsa nang Pagpapalabas: Disyembre 25, 2016

Haba nang Pelikula: 1oras 56minuto

Direktor: Theodore Boborol

Kategorya: Teen Romance

Panulat ni: Daisy G. Cayanan, Kim R. Noromor at Anjanette M. Haw

Prodyusers: ABS-CBN Film Production

Bida nang Pelikula:
  • Julia Barretto bilang si Kathleen/Kath – mechanical engineering na istudyante, mapagmahal at gagawin lahat para sa kaniyang pamilya.
  • Joshua Garcia bilang si Vince/Var – electrical engineering na istudyante, anak sa pagkakasala ng kaniyang ina, laging sinasalo sa mga problema si James na kaniyang pinsan, matagal nang may gusto kay Kath.
  • Ronnie Alonte bilang si James – varsity player sa basketbol, nagkagusto kay Kath, laging pinapasa ang problema niya kay Vince.
  • Maris Racal bilang si Maxine – matalik na kaibigan ni Kath.
  • Ina Raymundo bilang ina ni Vince.
  • Shamaine Buencamino bilang ina ni Kath – iniwan ng kaniyang asawa at mag-isang itinataguyod ang kaniyang pamilya.
  • Ana Abad Santos bilang si Beatrice – ina ni James.
  • Jeric Raval bilang ama ni James.
  • Allan Paule bilang ama ni Kath.
  • Milo Elmido Jr. bilang si Clinton – bading na kaibigan ni Vince.
Sinematograpiya: Gary Gardoce

Base sa: Vince and Kath ni Jenny Ruth Almocera

Taga-pamahagi: Star Cinema

Bansa: Plipinas

Lingguwahe: Tagalog, Filipino

Buod:

Si Kath ay isang mechanical engineering student na tumutulong sa kaniyang ina upang itaguyod ang kanilang pamilya matapos silang iwan ng kaniyang ama para sa ibang pamilya. Kabatchmate niya si Vince na isa namang electrical engineering student. Madalas asarin ni Vince si Kath dahil may lihim siyang pagtingin sa dalaga. Hindi ni Vince maligawan si Kath kaya idinaan na lang niya ang kaniyang mga gustong sabihin sa pamamagitan ng isang blog na the TheVinciQuotes na fan pala si Kath. Nang makita ng pinsan niyang si James si Kath nagustuhan agad ito ng kaniyang pinsan ngunit hindi naman pinapansin ni Kath ang mga text ni James kung kaya nagpatulong ito kay Vince na nagpanggap naman na si Var upang maging textmate sila.Unti unting nahulog si Kath sa mga text ni Var, ngunit nang kailangan ng magkita si James na ang nakipagmeet kay Kath. Makakaya kaya ni Vince na makita sina James at Kath? Pagbibigyan pa rin kaya niya ang kaniyang pinsan?

Pagsusuri:

Isang teen romantic film ang magpapakilig sa atin sa pelikulang Vince & Kath & James na pagbibidahan nina Julia Barretto, Joshua Garcia at Ronnie Alonte. Ito ang isa sa mga pelikula na masasabi nating hindi kailangan ng mga intimate moment para kiligin at matuwa sa isang palabas. Bagay na bagay sa mga kabataan ng makabagong panahon.

Ito ay kuwento ng tatlong istudyante na may kani kaniyang problemang hinarap upang mas makilala pa ang kanilang mga sarili. Si Vince ay matagal ng may gusto kay Kath na hindi niya masabi sa dalaga, kung hindi pa dumating si James na pinsan nito hindi nito ipaglalaban ang kaniyang sarili at pagmamahal para kay Kath.

Sa direksyon ni Theodore Boborol, pinakilig at pinasaya tayo ng palabas na ito. Maayos na nailahad ang problema ng bawat isa ngunit hindi masyadong na emphasize yung kung conflict sa pagitan ng tatlong bida. Nais lang nitong ipabatid na may mas mahalaga pang problema bukod sa problemang pang puso at ito ay ang usaping pampamilya.

Ang simple at magaan yung mga linya sa pelikula. Hindi ito masyadong malalim dahilan upang mas madaling maipaabot ang mga mensahe at aral na nais nitong maiparating sa mga manonood. Madaling maintindihan at maayos na naibigay ng mga bida ang kanilang layunin sa pelikula. Ilan sa mga aral dito ay ang pag-aaral nang mabuti, mahalin ang pamilya at matutong mahalin ang sarili at ipaglaban ang nararapat para sa iyo.

Nakakakilig din ang mga kantang ginamit, tamang tama at swak na swak sa panlasa ng bagong henerasyon ngayon.

Napakagaling at natural nang pag-arte ni Barreto, hindi ito pilit at halatang malaki na ang kaniyang pinagbago mula ng magsimula siya. Samatalang si Garcia naman ay nakikita mo ang isang batang John Lloyd Cruz sa kaniya. Sa mga aksyon at kilos at maging sa pag-iyak ay parang si Lloydie talaga. Hindi ko naramdaman ang pag-arte ni Alonte, kailangan pa niya nang pagsasanay upang mas maging convincing ang kaniyang pag-arte. 

Sa kabuuan maraming aral sa buhay ang naibahagi ng pelikula lalo na sa mga kabataan ngayon. Silipin at kilalanin ang buhay nina Vince & Kath & James.